Ni Celo Lagmay
KASABAY ng nakaugaliang paggunita ngayon sa pagpako sa krus ng ating Panginoon, mistulang ipinapako rin tayo sa kalbaryo dahil sa halos sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produkto ng petrolyo. Ipinako at namatay sa krus si Hesukristo upang tubusin ang kasalanan ng sanlibutan; ipinako tayo sa kalbaryo upang tayo ay pagdusahin naman marahil ng ilang negosyante na wala nang inalagata kundi magkamal ng limpak-limpak na pakinabang sa kapinsalaan ng sambayanan.
Isipin na lamang na itinaon pa sa Semana Santa ang gayong nakapanggagalaiting estratehiya ng pagnenegosyo – ngayon pa naman na tayo ay magtutungo sa ating mga lalawigan at sa iba pang lugar upang mamasyal. Hindi maliit na kantidad ng gasolina at diesel ang tiyak na nakokonsumo sa gayong pagbibiyahe. At isipin na P1.15 ang itinaas ng gasolina at P1.10 ang sa diesel; maging ang gas o kerosene na ginagamit sa ating pagluluto ay tumaas na rin.
Hindi natin matiyak kung hanggang kailan mananatili ang gayong paglobo ng halaga ng mga produkto ng petrolyo.
Totoong ang nabanggit na mga negosyante ay nagpapatupad din ng paminsan-minsang rollback o pagbaba ng presyo.
Subalit katiting lamang ito kung ihahambing sa nakalululang price hike – isang sistema ng masakim na pagnenegosyo na lalong nagpapahirap sa sambayanan, lalo na sa ating mga kababayan na hanggang ngayon ay nakalugmok pa sa pagdaralita.
Laging idinadahilan ng naturang mga negosyante na ang dagdag na presyo sa petrolyo ay bunsod ng pabagu-bagong operasyon sa pandaigdigang pamilihan o world market. Mababa ang presyo kung may over-supply na ng langis at mataas naman kung halos masaid ang tangke ng mga miyembro ng Oil Producing and Exporting Countries (OPEC).
Sa ganitong sitwasyon, marapat nang matauhan ang ating mga mambabatas sa panawagan ng higit na nakararaming mamamayan: Susugan o tuluyang pawalang-bisa ang Oil Deregulation Law (ODL), ang itinuturing na salarin o culprit sa nakalululang oil price hike. Ang naturang batas ang masasabing makapangyarihang sandata ng ilang gahamang negosyante sa walang patumanggang pagtataas ng nabanggit na mga produkto.
Mistulang nakatali ang kamay ng gobyerno sa pagtatakda ng presyo ng mga produkto ng petrolyo – sa presyong makaluluwag sana sa atin. Halos hindi masalang ng sinuman ang ODL; ang nasabing batas ay maliwanag na nakakiling sa mapagsamantalang negosyante.
Hanggang hindi naaaksiyunan ng mga mambabatas at ng gobyerno ang ganitong nakadidismayang sistema, tayo ay mananatiling nakapako sa kalbaryo.