Ni Dave M. Veridiano, E.E.
HABANG mainit na pinagpipiyestahan ng madla ang sunud-sunod na kapalpakan na inabot ng Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DoJ) nito lamang mga nakaraang araw, kasabay nitong umaalingawngaw mula sa lahat ng sulok sa bansa ang nakabibinging panawagan na SIBAKIN, kung hindi magre-RESIGN, ang mga pinuno ng dalawang departamentong ito na responsable sa buliyasong naganap.
Ito ay sa kabila ng sala-salabat na imbestigasyong nagaganap ngayon kaugnay ng pagbasura ng DoJ sa mga kasong isinampa ng mga imbestigador ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa sinasabing 17 drug lord, na pinangungunahan nina Peter Lim at Kerwin Espinosa.
Nasundan pa ito sa biglang paglabas ng balitang si Janet Napoles, ang tinaguriang “PDAF Scam Queen” ay ginawang “state witness” ng DoJ laban sa iba pang mga nakaupong pulitikong ‘di pa nasasampahan ng kasong plunder, na siya ring ikinaso sa mga nakulong na senador sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla Jr. Nakalaya na sina Enrile at Jinggoy, at may balitang malapit na ring sumunod sa kanila si Revilla.
Sumabay pa ito sa iba namang krimen na kinasangkutan din ng mga operatiba ng PNP, gaya ng pag-aresto sa tatlong pulis na inakusahang nang-rape ng isang buntis, na nadamay lamang sa operasyong “Tokhang” ng mga pulis-Valenzuela.
Kasama rin dito ang pagkakabasura ng DoJ sa kasong isinampa ng PNP laban sa mag-asawang naaresto sa isang apartment sa Ermita, at sinasabi ng mga operatiba mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na miyembro raw ng teroristang ISIS. Buong pagmamalaking iniharap pa ang dalawa sa media ni Chief PNP DDG Roland “Bato” Dela Rosa, at makaraan lamang ang ilang araw ay idi-dismiss naman pala ng DoJ.
At ang nakakadagdag pa sa mga pinag-uusapan at pinagtatawanan ay ang mga WISDOM na nakukuha ng mga tao kapag humaharap sa media ang mga opisyal na ito at nagpapahayag ng kanilang damdamin, galit o depensa sa mga akusasyon sa kanilang departamento.
Gaya halimbawa ng sinabi ni CPNP Bato na sa sobrang galit ni Pangulong Duterte sa pagkakabasura ng DoJ sa kaso laban sa mga drug lord ay sinuntok nito ang pader. Katakut-takot ang komento rito ng mga netizen at mamamayang laman ng mga bangketa at kalsada—kung maririnig lamang nila ay magigising sila sa katotohanang GALIT at INIS na ang bayan sa kanilang SARSUWELA!
Pinagtawanan din si DoJ Secretary Vitalliano Aguirre sa palusot niyang hindi niya alam ang naging desisyon ng mga tauhan niya laban sa “drug lord”, na siya mismong testigo sa akusasyon ng DoJ laban kay Senator Leila De Lima. Ang komento ng mamamayan: “Yung drug lord na umaming nagsusuhol ay absuwelto sa kaso. Pero ‘yung inakusahan nito at isinabit na protector niya bilang pusher ay nakakulong pa rin!”
Nadismaya si Pangulong Duterte at nagbantang (nagbiro?) kapag nakalaya sa kulungan ang mga drug lord ay si Secretary Aguirre ang kanyang ipakakalaboso. Nataranta yata si Aguirre kaya agad na bumuo ng panel para muling imbestigahan ang kaso at todo hugas-kamay siya rito.
Ngunit natawa ako sa WISDOM na ito ni Bato: Sa isang presscon sa Valenzuela ay iniharap niya ang tatlong pulis na inakusahan ng rape.
Bato: May pamilya ka? May anak kang babae?
PO1: Yes sir.
Bato: Ang nanay mo babae, ‘di ba?
PO1: Opo, yes, sir!
Bato: May asawa kang babae, ‘di ba?
Nagkatinginan daw ang mga nasa presscon, pigil ang kanilang tawa. Pero may isang ‘di nakatiis at sumigaw: “Ang asawa niya bading!”
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].)