Ni Argyll Cyrus B. Geducos, ulat ni Beth Camia

Sa isa pang bibihirang pagkakataon, muling nagsama ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa—sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo—sa graduation rites ng Batch 2018 ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City, kahapon ng umaga.

MULING NAGKASAMA Magkatabi sa entablado sina Vice President Leni Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte nang dumalo sila sa graduation rites ng Philippine Military Academy sa Fort Gregorio H. Del Pilar sa Baguio City. (RIZALDY COMANDA)

MULING NAGKASAMA Magkatabi sa entablado sina Vice President Leni Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte nang dumalo sila sa graduation rites ng Philippine Military Academy sa Fort Gregorio H. Del Pilar sa Baguio City. (RIZALDY COMANDA)

Magkatabi sa upuan sina Duterte at Robredo sa entablado nang dumalo sila sa Commencement Exercises ng PMA “Alab Tala” Class of 2018 sa Fort Gregorio H. Del Pilar sa Baguio.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bago pa man mag-umpisa ang dalawang-oras na graduation, namataang kinakamayan ng Pangulo si Robredo, ang unang pagkakataon ngayong taon na nagkasama ang dalawa.

Sa nasabing seremonya, kabilang ang Pangulo sa nagbigay ng mga sertipikasyon sa mga nagtapos. Iginawad din niya ang Presidential Saber Award sa 25-anyos na si Cadet 1st Class Jaywardene Hontoria, na nanguna sa Batch 2018.

Iginawad naman ni Robredo ang Vice Presidential Award kay Cadet First Class Ricardo Liwaden.

Sa pambungad ng kanyang pagsasalita, unang binati ng Pangulo si Robredo, na nilingon pa niya.

“Magkaibigan man kami ni Ma’am,” sabi ng Pangulo, na umani ng kantiyaw mula sa mga audience.

Ang pagkikita ng dalawa ay isa sa bibihirang pagkakataon simula nang magkalamat ang kanilang relasyon kasunod ng pag-alis ni Robredo sa Gabinete ng Pangulo nang mag-resign bilang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) noong Disyembre 2016.

Sa kanyang mensahe sa mga bagong sundalo, sinabi ni Duterte na dapat na laging isabuhay ng mga ito ang “courage, integrity and loyalty” sa paglilingkod sa bayan.

“To the ‘Alab Tala’ Class of 2018, this achievement is only the beginning of the many future successes. May you continue to become a source of strength and inspiration to your fellow soldiers and instruments of meaningful change in our society,” mensahe ni Duterte sa 282 nagtapos sa PMA ngayong taon, kabilang ang 75 babaeng kadete—ang pinakamarami sa kasaysayan.

“The Filipino people look up to you as the protectors of our nation and the next leaders of tomorrow,” dagdag pa ng Pangulo.