NAGSASAGAWA ng mga pagdinig ang Senate Committee on Public Information and Mass Media, sa pangunguna ni Senator Grace Poe, sa mga paraan kung paano mapipigilan ang pagkalat ng “fake news” at upang matukoy kung kakailanganin ng batas para maresolba ang problema.
Sa pagdinig kamakailan, tinutukan ng komite ang umano’y “compromise agreement” na magpapahintulot sa gobyerno upang makabahagi sa yaman ng mga Marcos. Kalaunan, tinanggal din online ang nasabing ulat dahil sa kabiguan umanong makatupad sa “community standards” ng Facebook.
Ang malayang pag-uulat ng mga balita at pagpapahayag ng opinyon ay protektado ng Bill of Rights ng ating Konstitusyon, gaya sa Amerika na may impluwensiya sa atin ng kalayaaan sa pagpapahayag ng saloobin, opinyon, at pamamahayag.
Sa panahon ng digmaan, nalilimitahan ng pambansang seguridad ang kalayaang ito. Sa karaniwang panahon, pinarurusahan ng batas sa libelo ang mga mapanirang-puri na balita, bagamat hindi hinaharang ang paglilimbag nito.
Noong 2012, pinagtibay ng Kongreso ng Pilipinas ang Cybercrime Prevention Act, ang RA 10175, na nagpaparusa sa mga bagong krimen, tulad ng cybersex at identity theft, gayundin sa online defamation, subalit doon lamang sa orihinal na may akda ng libelous post, hindi ang mga nag-like, share, o nag-retweet.
Sa nagpapatuloy na pagdinig tungkol sa fake news, mahalagang hindi maapektuhan ang pangunahing kalayaan sa pagpapahayag at sa pamamahayag ng anumang pagsisikap na masugpo ang iginigiit ng ilan na fake news. Ang katotohanan, ang anumang peke o totoong balita ay tunay na mahirap na agarang matukoy at karaniwan nang lumalabas lamang ang katotohanan paglipas ng panahon.
Sa ngayon, nariyan ang mga nagpupursigeng harangin ang mga ulat dahil sa pagiging “fake” ng mga ito. Gaya na lamang ng kaso ng mga umano’y drug trader na sina Kerwin Espinosa at Peter Lim, na kamakailan ay inabsuwelto ng mga prosecutor ng Department of Justice (DoJ). Kasunod ng pagbaha ng mga negatibong reaksiyon sa nasabing ulat, mismong ang mga opisyal ng gobyerno, kabilang na si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, ang hayagang tumutol sa naging desisyon ng prosekusyon, bagamat nakapagtataka kung paanong huli na niyang nalaman ang nasabing pasya ng kagawarang kanyang pinamumunuan.
Alin dito ngayon ang fake news? Ang pagkagulat ng mismong mga opisyal ng pamahalaan? O ‘yung alam naman na talaga nila ang desisyon ng prosekusyon kahit noon pa?
Pinakamainam na panindigan na lang ang probisyon ng batas sa malayang pagpapahayag at pamamahayag, at hayaang ilahad ang mga opinyon at saloobin kung ayaw nating maharang ang inakala nating “fake news”, na kalaunan ay mapatutunayan nating totoo pala. Dapat tayong magtiwala na sa malayang talakayang pampubliko sa mga forum at sa media, walang dudang lalabas at lalabas ang katotohanan.