Ni Celo Lagmay
KASABAY ng pag-ugong ng nakatakdang halalan ng mga Barangay at Sangguniang Kabataan (SK), umuusad na rin ang 2019 local elections. Hindi na mailihim ang pagkukumagkag ng mga local officials -- gobernador, alkalde, kongresista at iba pa -- sa pagbuo ng kanilang mga kapangkat na isasagupa sa naturang eleksiyon.
Lalong hindi mailihim ang paglantad ng mga nagbabalak kumandidato sa pagka-senador. Ngayon pa lamang ay kumikilos na ang iba’t ibang lapian sa pagpili ng kani-kanilang mga mamanukin, wika nga, laban sa naghaharing partido o ruling majority party -- ang PDP-Laban. Natitiyak ko na Liberal Party, Nacionalista Party, Nationalist People’s Coalition, at iba pa ay may mga napipisil na ring mga pambato sa nakatakdang halalan.
Dahil sa pag-iral ng multi-party system, tulad ng itinatadhana ng Konstitusyon, dapat lamang asahan ang pagkalito ng sambayanan sa pagtimbang ng mga lider na iluluklok nila sa tungkulin. Hindi ito katulad ng two-party system na madali para sa mga botante ang pagpili ng mga kandidato.
Gayunman, natitiyak ko na hindi magiging padaskul-daskol ang taumbayan sa paglahok sa halalan. Pipiliin nila ang mga kandidato na may kalidad; na may sapat na kakayahan sa huwarang paglilingkod sa bayan.
Tulad ng ibang lingkod ng bayan na nagpamalas ng kanilang natatanging talino at malasakit, hindi ko malilimutan ang mga lider na itinuturing na mga sinaunang Senador. Paano nating malilimutan, halimbawa, ang mga senador na sina Jovito Salonga, Arturo Tolentino, Ambrocio Padilla, Eulogio ‘Amang’ Rodriguez, Ferdinand Marcos, Sr., Ninoy Aquino, at marami pang iba. Silang lahat ay nagpamalas ng talino sa pakikipagbalitaktakan kaugnay ng makabuluhang mga isyu na tinatalakay sa Senado noong sila ay nabubuhay pa.
Sa paminsan-minsang pag-cover sa Senado noong nakaraang mga dekada, hindi ko malilimutan si Sen. Roseller Lim na gumawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng pag-filibuster sa Senado. Ibig sabihin, mahigit na 20 oras yata siyang nagtalumpati sa bulwagan; tinalakay ang mga kontrobersiyal at makatuturang isyu na gumigiyagis noon sa ating bansa.
Siya, sa aking pagkakaalam, ay isa ring batikang abugado, tulad ng halos lahat ng mga senador noong kanyang kapanahunan.
Sa kabila ng lahat ng ito, marapat lamang na tayo ay pumili ng mga lider, lalo ng mga Senador, na karapat-dapat iluklok sa tungkulin; mga lider na may kalidad at hindi pabigat at mistulang mga dekorasyon lamang sa Kongreso.