Ni Celo Lagmay
NANG lagdaan kamakalawa ni Pangulong Duterte ang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magpalabas ng subpoena, lumutang ang magkakasalungat na impresyon. Kaakibat nito ang tanong: Hindi ba ang gayong kapangyarihan ay ipinagkakaloob lamang sa mga hukuman? At sa Kongreso kaugnay ng isinasagawang mga public hearing?
Nakagisnan na natin ang ganitong sistemang pangkatarungan. Hindi ko nga lamang matiyak kung bukod sa nabanggit na mga tanggapan ay may iba pang ahensiya na may kapangyarihang magpalabas ng mga subpoena. Nasanay na ako sa pagtanggap ng mga sitasyon mula sa mga hukuman kaugnay ng mga kasong libelo na isinasampa laban sa akin at sa pamunuan ng pahayagang ito noong tayo ay aktibo pa sa peryodismo. Mga huwes at taga-usig ang nagpapatawag sa atin at sa kanila lamang natin idinudulog ang mga isyu na dapat liwanagin at pangatuwiranan.
Kabaligtaran nito ang aking naging impresyon nang lagdaan ang nabanggit na batas na mistulang nagbibigay ng judicial power sa PNP. Isipin na lamang na ang Director General ng nasabing ahensiya, kabilang ang CIDG Chief at assistant nito ay maaaring magpalabas ng mga subpoena sa sinumang nais nilang imbestigahan.
Biglang gumitaw sa aking utak ang panahon ng diktadurya nang ang mga nagpapatupad ng martial law ay mistulang gumanap ng kapangyarihan ng mga hukuman. Walang pakundangan ang pagpapalabas ng ASSO (Arrest, Search and Seize Order).
Bilang isang mamamahayag mula sa pribadong media outfit na nangangalap ng mga ulat hinggil sa martial law, nasaksihan ko ang walang habas na implementasyon ng ASSO. Kabilang ang ilang kapatid natin sa propesyon ang lumasap ng kamandag ng naturang utos; inaresto at ikinulong hanggang sa ang ilan sa kanila ay bigla na lamang nawala. Ang ilan naman ay aktibo pa hanggang ngayon kahit na sila ay uugud-ugod na; subalit matalim pa rin ang kanilang mga panulat at taglay ang matatag na determinasyon na ipagsanggalang ang press freedom.
Gusto kong maniwala na ang nabanggit na batas ay may anino ng martial law, lalo pa nga at ito ay ipatutupad ng mga alagad ng batas at hindi ng mga tauhan ng hudikatura. Hindi gayon kadaling mapawi ang mga pangamba at pag-aalinlangan.
Subalit tanggapin natin na iyon ay batas. Sabi nga ng mga abogado: The law may be harsh, but that is the law. Ibig sabihin, ito ay dapat nating sundin sapagkat tayo ay pinakikilos ng batas at hindi ng tao.