Nina ROY C. MABASA, BETH CAMIA, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS GENALYN D. KABILING at MARIO B. CASAYURAN

Hindi mawawala ang Pilipinas sa jurisdiction ng Rome Statute kahit na uurong pa ang bansa sa International Criminal Court.

Ito ang binigyang-diin ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kasabay ng pag-amin na maaari pa ring ituloy ng ICC ang preliminary examination sa mga alegasyon ng extrajudicial killings sa Pilipinas sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte.

Ang Rome Statute ay isang kasunduan na nagtatag sa International Criminal Court. Pinagtibay ito sa diplomatic conference sa Rome noong Hulyo 17, 1998 at nagkabisa noong Hulyo 1, 2002.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Yes you are still liable even when you withdraw,” ani Secretary Cayetano sa panayam sa telebisyon nitong Miyerkules ng gabi.

Nauna nang ipinahayag ng Office of the Prosecutor ng ICC na bubuksan nito ang imbestigasyon sa preliminary examination sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao na nagawa sa ilalim ng war on drugs ni Duterte.

Bunsod ito ng kasong inihain noong nakaraang taon ng abogadong si Jude Sabio batay sa testimonya sa Senado ng umaming umano’y dating miyembro ng Davao Death Squad na si Edgar Matobato.

Ayon kay Cayetano ang desisyon ng Pilipinas na kumalas sa ICC ay “a principled stand” dahil ginagamit ng nongovernmental organizations (NGOs) at mga pulitiko ang human rights para sa kanilang interes sa pulitika.

Pinagtibay ng Pilipinas ang Rome Statute sa panahon ni dating Pangulon Benigno Aquino III. Isa sa mga nagsulong nito ang human rights lawyer na si Harry Roque, na ngayon ay tagapagsalita ni Duterte.

“Now the President sees that there is internal conflict, like what happened in Marawi, et cetera. And that’s the same reason that the US, China, Russia did not sign or did not ratify it. The US signed but did not ratify it,” ani Cayetano.

Ipinahayag ni Pangulong Duterte nitong Miyerkules na kakalas ang Pilipinas sa ICC “effective immediately.”

Iginiit ni Duterte na walang walang jurisdiction ang ICC sa kanya at ang Rome Statue ay hindi effective o enforceable sa bansa dahil sa kakulangan ng publication na hinihiling ng domestic law matapos itong maratipikakan noong 2011.

Sinabi niya na kahit pa mayroong jurisdiction sa kanya ang ICC, ang mga akusasyon laban sa kanya “do not fall under the enumerated grounds” ng international law. “

Kinondena ng Malacanang ang mistulang pag-single out ng ICC sa war on drugs ni Pangulong Duterte.

Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, maraming nakabinbing reklamo sa ICC na hindi naman binibigyang-pansin at malinaw na kaya pursigidong i-prosecute si Duterte ay para gawin itong trophy ng ICC. Kumbinsido rin ang Pangulo na mayroong nangyayaring sabwatan.

Sinabi naman ni opposition Senator Risa Hontiveros na ang pahayag ni Duterte na kakalas sa Rome Statute ay nagpapatunay lamang na takot siya sa imbestigasyon.