Ni Celo Lagmay

HINDI ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang utos ni Pangulong Duterte hinggil sa pagpapahanap kay Efren Peñaflorida, ang 2009 CNN ‘Hero of the Year’. Nais niyang italaga ang naturang guro bilang Commissioner ng Presidential Commission on Urban Poor (PCUP); marahil, nais niyang ihalili ito sa itiniwalag na mga opisyal na sinasabing nasangkot sa mga katiwalian.

Kung nagkaroon man ng ugnayan si Peñaflorida at ang administrasyon, hinirang na kaya siya ng Pangulo? At tinanggap naman kaya ng naturang guro ang iniaalok na posisyon sa kanya?

Bagamat hindi ko personal na kakilala si Peñaflorida, saludo ako sa kanyang mga katangian na pinaniniwalaan kong lalong magbibigay-dangal sa Duterte administration, lalo na sa mithiin nitong lumikha ng isang malinis at tapat na gobyerno. Sa pamamagitan ng pahayagang ito, nasubaybayan ko ang kanyang mga aktibidad na tunay na makatao at makabayan, sa kabila ng katotohanan na siya ay lumaki sa isang pook ng mga dukha sa lalawigan ng Cavite.

Siya ay isang guro at development worker na nagtuturo sa mga kabataan sa pamamagitan ng kariton na tinaguriang ‘Kariton Klasrum’. Pinupuntahan niya ang mga kabataan sa mga sementeryo at basurahan, kaagapay ng kanyang mga kasamahan sa Dynamic Teen Company volunteers.

Walang alinlangan na ang kanyang misyong ito ang naging batayan upang siya ay tanghaling CNN ‘Hero of the Year’. Siya ang nanguna sa siyam na pinagpilian sa pagkabayani mula sa iba’t ibang bansa.

Masyadong madamdamin at makahulugan ang mensahe ni Peñaflorida sa pagtanggap niya ng naturang karangalan: “The planet is filled with heroes in different forms and that everyone is a hero and can be a hero to another person.” sa makatuturang pakahulugan – maglingkod nang mahusay, paglingkuran ang kapwa nang higit sa ating sarili, at maging maligaya sa paglilingkod.

Angkop na angkop ang gayong mga simulain na lalong nagbibigay-dangal sa kanyang pagkatao, lalo na nga kung iisipin na siya ay isang anak-mahirap. Lalo na nga kung isasaalang-alang na ang PCUP ay isang tanggapan na nilikha bilang ‘direct link’ sa mga maralita; ito ang bumabalangkas ng mga patakaran upang makatugon sa kanilang mahigpit na mga pangangailangan.

Subalit ang malaking katanungan: Nais kaya niyang maging bahagi ng isang misyon na taliwas sa mga simulaing sumasagisag sa kabayanihan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga kabataang uhaw sa edukasyon – sa pamamagitan ng kanyang ‘Kariton Klasrum’?