Ni DINDO M. BALARES

SA trailer pa lang ng My Perfect You, ramdam ko nang may something sa kakaibang kulit ng character ni Pia Wurtzbach.

PIA AT GERALD copy

Sa tagal ko na sa industriya, na-master ko na ang paggamit ng thin-slicing principle sa mga produktong inilalabas ng production outfits. Sa thin-slicing theory, ‘di mo kailangang ubusin ang isang buong pizza para malaman ang lasa o ang lahat ng ingredients na ginamit. Isang slice lang, sapat na.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa pananalita ng batikang peryodista-nobelistang si Ka Virgilio Blones (SLN): “’Pag binuksan mo ang de-latang ulam at naamoy mong mabaho na, titikman mo pa ba?”

Kabaligtaran ang ‘amoy’ ng makulit-masayang trailer ng My Perfect You, gusto ko agad panoorin nang buo.

Para ma-satisfy ang curiosity, nangulit ako kay Mico del Rosario ng Star Cinema na gusto kong mapanood ang pelikula ilang oras bago sila nag-premiere sa Dolphy Theater nitong Martes ng gabi.

Hindi ako nagkamali, hindi nga basta-basta ang character ni Pia sa My Perfect You. (Iniiwasan kong ikuwento ang storyline para hindi ako makapagbigay ng spoilers, para ma-enjoy din nang husto ng mga manonood pa lang ang pelikula.)

Ang role nina Pia at Gerald Anderson ay mapapasama sa listahan ng pinaka-lovable at unforgettable na characters sa local cinema. Nagampanan nang buong husay ni Pia si Abi. Hindi siya beauty queen dito kundi actress. Tunay na aktres. After 16 years simula nang ilunsad siya sa Star Magic Circle Batch 11, ngayon lang siya nabigyan ng pagkakataon na mapatunayang may ‘K’ siyang umarte.

Si Abi ang tinutukoy na perfect sa titulo ng pelikula na hindi rin simpleng romantic-comedy lang, kundi isa sa mga sorpresang out of the box na pelikula ng Star Cinema.

Well-thought-out ang script ng My Perfect You. Mahuhusay ang writers at well researched ang paksang binuksan nila sa publiko. May mga mensahe sila tungkol sa isyu na hindi pa masyadong tinatalakay sa mga pelikula o sa lipunan mismo, dahil taboo. Iniiwasan itong pag-usapan ng pamilya o angkan. Pero natalakay ito nang buong husay.

Hindi na matinee idol kundi tunay nang actor sa My Perfect You si Gerald Anderson. Maraming actor ang maiinggit sa kanya at mangangarap na sana ay bigyan din sila ng ganito kagandang role.

Kung anong role ito, saka na lang natin pag-usapan. Dahil tiyak na magiging usap-usapan talaga ito.

Ang My Perfect Love ang klase ng pelikula na kapag pinanood mo, gusto mo ring mapanood ng lahat ng mga kaibigan o mga mahal mo sa buhay. Ang laging reliable na si Dimples Romana ang tumilad-tilad sa aspetong ito.

Matututo kang pahalagahan ng mga mahal mo sa buhay -- anuman ang personalidad o sitwasyon nila, perpekto man o may diperensiya -- kapag napanood mo ang bagong pelikulang ito ni Cathy Garcia-Molina.

Paalala lang sa mga manonood, rom-com ang My Perfect Love pero kailangan ninyong magdala ng panyo.