WASHINGTON (Reuters) – Sinibak ni U.S. President Donald Trump si Secretary of State Rex Tillerson nitong Martes matapos ang serye ng kanilang iringan sa publiko kaugnay sa mga polisiya sa North Korea, Russia at Iran, at ipinalit si CIA Director Mike Pompeo.
Ang bibihirang pagsibak sa top diplomat ng United States ang tumapos sa ilang buwang friction ng Republican president at ng 65-anyos na dating Exxon Mobil Corp chief executive. Umabot sa sukdulan ang tensiyon nitong taglagas sa gitna ng mga ulat na tinawag ni Tillerson si Trump na “moron” at pinag-isipang magbitiw. Hindi itinanggi ni Tillerson ang paggamit niya ng salita.
Inanunsiyo ni Trump ang mga pagbabago sa Twitter nitong Martes ng umaga at sinabi sa mga reporter kalaunan ang dahilan kung bakit niya tinanggal si Tillerson.
“We got along actually quite well but we disagreed on things,” ani Trump. “When you look at the Iran deal: I think it’s terrible, I guess he thinks it was OK. I wanted to break it or do something, and he felt a little bit differently.”
Sa State Department, emosyonal na sinabi ni Tillerson na ipinatawag siya ni Trump dakong tanghali mula sa Air Force One, ilang oras matapos siya nitong sibakin sa pamamagitan ng Twitter. Kinausap din si Tillerson ni White House Chief of Staff John Kelly.
Sinabi niya na magtatapos ang kanyang termino sa Marso 31 ngunit ililipat na niya ang kanyang mga trabaho kay John Sullivan, ang deputy secretary of state, kinagabihan. Hindi niya pinasalamatan o pinuri si Trump.
Magbabalik si Tillerson sa pribadong buhay.