Ni Celo Lagmay

MAAARING nilalaro lamang ako ng aking malikot na imahinasyon, subalit lalong sumisidhi ang aking paniniwala na minsan pang ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakdang idaos sa Mayo ng taong ito.

Sa kabila ito ng kabi-kabilang panawagan ng iba’t ibang sektor ng sambayanan na kailangan nang isagawa ang naturang halalan na tatlong ulit nang ipinagpapaliban; na sila ay masyado nang nananabik na pumili ng karapat-dapat na mga lider ng komunidad.

Nakaangkla sa dalawang anggulo ang aking paninindigan. Una, maaaring ipagpaliban sa Oktubre ang naturang eleksiyon upang isabay ang pagdaraos ng plebisito kaugnay ng sinususugang Konstitusyon na inaasahang pagtitibayin ng Kongreso – Senado at Kamara. Sa panahong iyon, inaasahang mabubusisi nang husto ang makabuluhang mga amyenda, pagkatapos ng maingat at matalinong balitaktakan ng mga mambabatas.

Inaasahan ding makabubuo na ng makatuturang mga rekomendasyon ang Consultative Committee (Con-Com) na naatasang bumalangkas ng mga amiyenda sa tinaguriang Cha-Cha o Charter Change. Ang naturang komite ay binubuo ng matatalino at kagalang-galang na kalalakihan at kababaihan na inaakala kong bukas ang pag-iisip sa pagsusog sa isang Konstitusyon na makatutugon sa pagpapahalaga ng mga mamamayang Pilipino.

Isa pa, milyun-milyong pondo ang ating matitipid sa pagpapaliban ng nasabing halalan at sa pagdaraos ng hiwalay na plebisito. Sabi nga ng mga Kano: Two birds in a stone.

Naniniwala ako na marapat ipagpaliban ang nabanggit na eleksiyon hanggang hindi nalilipol ang narco-politicians na hanggang ngayon ay naglipana sa iba’t ibang sulok ng kapuluan. Sila ang dahilan kung bakit talamak pa ang illegal drugs sa mga komunidad. Sa pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG), 9,000 kapitan ng barangay ang kabilang sa narco-list na determinadong lipulin ng administrasyon. Ito marahil ang dahilan kung bakit daan-daang iba pa ang pagtutuunan ng Oplan Tokhang; hindi lamang users, pushers ang mga ito kundi sangkot pa sa iba’t ibang krimen at katiwalian.

Dapat lamang asahan na ang sinasabing mga narco-politicians na nagbabalak kumandidato sa eleksiyon, kung matutuloy, ay nakalalamang sa labanan. Hindi alintana ng mga botante kung umiikot ang drug-money. Sa ganitong sitwasyon, nakakikilabot ang babala ng Duterte administration: Electing narco bets means more deaths. Hindi natin gustong mangyari ang malagim na patayan.

Marapat lamang timbangin ang mga argumento hinggil sa pagpapaliban ng halalan upang lalong maging katanggap-tanggap ang pasiya sa paglipol ng narco-politics.