Nina LEONEL M. ABASOLA at HANNAH L. TORREGOZA

Balak ni Senador Richard Gordon na ipatawag si Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II upang magpaliwanag sa pagkakabasura ng kasong drug trafficking laban sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, kay Peter Lim at sa 17 iba pa.

“Kung ‘yang kaso na ‘yan ay tungkol sa drugs, dapat magpaliwanag si Vit Aguirre. Lahat inaabsuwelto niya! Mukhang dapat magpalit tayo ng abogado,” sabi ni Gordon. “Lahat kami sa Senado downhearted dahil paano maaabsuwelto ‘yun, eh, inamin na nga.”

Kaugnay nito, umapela si Gordon kay Pangulong Rodrigo Duterte na makialam sa usapin, dahil maaaring makaapekto ang nangyari sa kredibilidad ng drug war ng gobyerno.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

DIGONG DAPAT MAKIALAM

“Masusugatan ‘yan (anti-drug campaign) ‘pag ‘di inayos. That’s why I am advising the President as a friend, not as a political ally, because I do not belong to his political party, that he should look into this right away,” sinabi ni Gordon sa mga mamamahayag kahapon.

“Sapagkat medyo maselan ang pagka-dismiss nitong kay Kerwin at Peter Lim. Kung may kaso dapat tingnan ‘yan,” ani Gordon. “Piskal si Presidente, dati dapat tingnan niya kung tama ang ginagawa ng kanyang Secretary of Justice at ng mga tao ni Aguirre.”

Bukod kina Espinosa at Lim, ibinasura rin ng National Prosecution Service (NPS) ng DoJ nitong Lunes ang mga kasong paglabag sa Section 26(b) at 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) laban kina Peter Co, Marcelo Adorco, Max Miro, Lovely Impal, Ruel Malindangan, Jun Pepito, Jermy Amang, at kina alyas “Amang”, “Ricky”, “Warren”, “Tupie”, “Jojo”, “Jaime”, “Yawa”, “Lapi”, “Royroy”, “Marlon”, at “Bay”.

Nagpahayag ng labis na pagkadismaya ang mga senador sa nangyari, sinabing malinaw na taliwas ito sa isinusulong ng gobyerno na kampanya kontra droga.

“I am puzzled by the decision of the DoJ to clear Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co and others of charges related to the narcotics trade,” sabi ni Sen. JV Ejercito. “Kerwin confessed during the Senate hearing to transacting illegal drugs as early as 2005 with his earnings reaching P40-P50 million annually.

“At the very least, this decision sends mixed signals to the public in terms of our resolve to wage war against anyone dealing with illegal drugs, regardless of stature in life and the friends they have in high places,” dagdag ni Ejercito.

‘GRAVE INJUSTICE’

Sinegundahan ni Sen. Paolo “Bam” Aquino IV ang punto ni Ejercito, sinabing ang pag-absuwelto sa mga drug lord sa mga kaso ng droga ay “grave injustice” sa libu-libong napatay sa kontrobersiyal na drug war ng pamahalaan.

“Ano pa ang halaga ng pagpatay sa libu-libo nating kababayan, kung pakakawalan din lang ang mismong pinagmumulan ng droga?,” ani Aquino. “Ngayong pinalaya na ang drug lord na tumestigo at umamin sa kaniyang paglahok sa drug trade, may duda sa giyera kontra droga ng administrasyon.”

Sinabi naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na dahil sa nangyari ay masasabing peke ang drug war ng administrasyong Duterte.

“The DoJ’s exoneration of these known drug lords is yet another proof that what Duterte unleashed upon us is a fake drug war. Kapag mahirap, walang tanong-tanong, patay agad. Kapag drug lords at kumpare pa ni Duterte, may due process na, absuwelto pa sa kaso,” ani Trillanes.

Tutol din sa naging pasya ng DoJ sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III, Senators Sherwin Gatchalian, at Grace Poe.