Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON
Nauwi sa trahedya ang 16-taong pagsasama ng isang mag-asawa makaraang katayin ng mister at pagputul-putulin ang katawan ng kanyang misis sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang mag-asawang sina Orlando Estrera 43; at Heide Estrera, 46, kapwa maintenance personnel ng Sisters of Mt. Carmel Catholic School.
Isang bata ang nakakita kay Orlando na may itinapon sa labas ng kanilang bahay sa Saint Michael Extension, Republic Avenue, Barangay Holy Spirit sa lungsod, dakong 5:00 ng hapon nitong Linggo.
Nang makita ng bata ang mga putol na bahagi ng katawan ay agad nitong tinawag ang mga kapitbahay na humingi ng tulong sa awtoridad.
Sa press conference, inihayag ni Chief Supt. Guillermo Eleazar Director ng QCPD, na humiling umano ng masahe ang babae kay Orlando subalit biglang nakita nito ang misis na naging hayop kaya sinakal nito.
Ayon kay Eleazar, binuksan ng suspek ang tiyan ng misis gamit ang isang kutsilyo na may 30 sentimetrong haba, upang tingnan kung may fetus sa loob, tsaka pinutol ang leeg, dibdib, braso at hita ng ginang.
Isinalaysay naman ni Orlando ang ginawang pagkatay sa misis matapos umano niyang makita si Satanas, nang iprisinta siya sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal, kahapon.
Ayon pa sa suspek, inapakan niya ang leeg ng kanyang misis bago pinutol ito, tinanggal ang mga mata at binalatan ang mukha upang tingnan “kung sino ang nakatago sa likod ng maskara”.
Bukod dito, inapakan din ng suspek ang sinapupunan ng biktima bago biniyak upang tignan kung may lamang sanggol.
Nabatid na walang anak ang mag-asawa.
Base sa mga opisyal ng barangay, si Heide ay may myoma na nakatakdang alamin ng awtoridad habang nakabimbin ang resulta ng awtopsiya.
Ikinatwiran ni Orlando na pinatay niya ang kanyang misis upang iligtas ang tao sa demonyo at sinabing hindi siya nagsisisi sa nagawang krimen, at nararamdaman ngayon na malaya na siya at wala na ang demonyo.
Patuloy na inaalam ng awtoridad ang posibilidad na may problema sa pag-iisip ang suspek, na nabatid na dating gumagamit ng droga.