NI Bert de Guzman

BINIRA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang isang itim na babae (black woman) at isang payat na babae (undernourished one) na bumabatikos sa kanyang madugong drug war at human rights violations. Ang black woman ay si International Criminal Court (ICC) prosecutor Fatuo Bensouda na nais magsiyasat sa human rights allegations samantalang ang “undernourished one” ay si UN special rapporteur on extrajudicial, summary or arbitratrary executions Agnes Callamard.

Para kay PRRD, nawala ang tiwala ng Philippine government sa UN representatives na nag-iimbestiga sa drug war ng Duterte administration. Pahayag ni Mano Digong: “Go alone, you investigate me. But I assure you, you will never have jurisdiction over my person.” Akala ng taumbayan, handa si PDu30 na harapin ang ICC.

BANTAY BASTOS. Naglunsad ng Bantay Bastos platfrom ang isang koalisyon ng kababaihan sa Pilipinas kaugnay ng pagdiriwang ng International Women’s Day na ang layunin ay maisulong at mapangalagaan ang dignidad at karapatan ng kababaihang Pinay.

Binigyang-diin ng grupong #Every Woman na papanagutin ang mga lalaki, lalo na ang nasa kapangyarihan, dahil sa kanilang “sexist and misogynistic remarks”. Aba, parang parinig at patungkol ito kay PRRD na malimit gawing biro ang kababaihan. Ang pinakahuli niyang biro ay nang atasan ang military na “ barilin sa P.... (shoot her in the vagina) ang babaing NPA o amasona. Hindi ko kayang i-translate sa Tagalog ang gayong kautusan.

Tulad ng inaasahan, inimpeach ng Kamara si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, sa botong 38-2.

Nagkasundo ang House committee on justice na may probable cause para ma-impeach ang kauna-unahang babae na naging SC Chief justice. Bahala na ang Senado na maglitis sa kanya, at bahala na rin ang mga senador na paniwala ng maraming tao ay higit na matatalino kumpara sa mga kasapi ng Kamara.

Ang Kamara ay itinuturing na “rubber stamp” ng Malacañang. Ang Senado ay kakaiba sapagkat hindi lahat ng mga kasapi nito ay “hawak sa leeg”, sunud-sunuran at takot sa Pangulo.

Sa taunang pagtitipun-tipon ng mga babaing hukom, nagsalita si Sereno tungkol sa isyu ng impeachment. Pagkatapos niyang magsalita, sumugod sa podium si SC Associate justice Teresita Leonardo-de Castro at sinabihan ni Sereno na hindi niya dapat tinalakay ang reklamong impeachment sapagkat ito ay sub judice. Hindi nagbatian ang dalawa. Sa English, kung tawagin ito ay “cats’ fight” o away-babae (Sereno vs DeCastro).

Matindi ang alitan ng propesor at ng estudyante. Ang propesor ay si Joma Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP). Ang estudyante ay si Pres. Rody. Kasama si Joma sa 600 indibidwal na nais ng Dept. of Justice na ituring na terorista. Gusto rin ng DoJ na ma-outlaw ang CPP at New People’s Army batay sa petisyon nito sa Manila Regional Trial Court.

Samakatwid kung may “cats’ fight” sa katauhan nina Sereno at De Castro, may “dogs’ fight” naman sa katauhan nina Mano Digong at Joma. Para kay PRRD, may malubhang sakit si Joma at napakasakit mamatay sa ibang bansa. Para naman kay Joma, si Digong ang may seryosong sakit dahil tumitira siya ng fentanyl.