Ni Mar T. Supnad
ANGELES CITY, Pampanga - Nagwakas na ang pagtatago sa batas ng apat na puganteng Korean matapos na maaresto ang mga ito sa Olongapo City sa Zambales, kamakailan.
Ipinahayag ni Chief Insp. Rommel Labalan, hepe ng Pampanga Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na ang apat na pugante ay matagal nang pinaghahanap ng Interpol dahil sa panloloko ng 25,920,000 won (P1.3 milyon) sa iba nilang kababayan.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Lim Jeewong 44; Lee Minham, 30; Nam Sangnim, 40; at Park Ji Seok, 21 anyos.
Paliwanag ni Labalan, ipinatupad ang pag-aresto nang humingi sa kanila ng tulong ang grupo ng Korean police na nagsabing namataan ang mga pugante sa Barangay Kalaklan, Olongapo City.
Nitong Marso 2, naglabas ng kautusan ang Interpol upang maaresto at maibalik sa South Korea ang apat.
Nasa kustodiya na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga pugante para sumailalim sa deportation proceedings.