NI Jeffrey G. Damicog
Nahaharap sa kasong kriminal sa Department of Justice (DoJ) ang online news na Rappler dahil sa umano’y pagkakautang sa gobyerno ng P133 milyon sa buwis.
Naghain kahapon ng reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Rappler Holdings Corporation (RHC) at sa mga executives nito na sina president Maria Ressa at treasurer James Bitanga.
Sa nasabing reklamo, inakusahan ng BIR ang mga respondent sa paglabag sa Sections 254 at 255 na may kinalaman sa Sections 253(d) at 256 ng National Internal Revenue Code (NIRC) sa pagtatangkang umiwas sa pagbabayad ng buwis at sa pagkabigong magkaloob ng tamang impormasyon sa kanilang taunang income tax return (ITR) at value added tax returns (VAT) noong 2015.
Bukod sa kanila, naghain din ng reklamo ang BIR laban sa certified public accountant na si Noel Baladiang dahil sa paglabag sa Section 257(A)(2) ng Tax Code para sa paglagda sa financial statements ng RHC sa kabila ng malinaw na pagpapabaya ng kanyang kliyente sa pagbabayad ng buwis.
Nadiskubre ng BIR na ang RHC ay, sa magkakaibang petsa, ay bumili ng shares mula sa Rappler Inc. na nagkakahalaga ng P19,245,875 at, kalaunan, ay binenta ang Philippine Depositary Receipts (PDRs), sa magkakaibang petsa, sa dalawang foreign entities sa halagang P181,658,758.67.
Dahil sa mga transaksiyong ito, sinabi ng BIR na ang RHC ay malinaw na dealer sa securities at responsable sa pagbabayad ng income tax (IT) at VAT.
Gayunman, nalaman ng BIR na ang taunang ITR at VAT returns na inihain ng RHC para sa taxable year 2015 ay walang binayarang IT at VAT para sa mga nasabing transaksiyon.
Ayon sa BIR, ito ay nangangahulugan na ang RHC ay may utang na P133,841,305.75 na binubuo ng P91,320,481.08 para sa IT at P42,520,824.67 sa VAT.