Ni Celo Lagmay
SA pagbubunyag sa Senado ng sinasabing dayaan noong nakaraang 2016 national polls, lalong tumibay ang aking paniniwala na talagang walang eleksiyong hindi nabahiran ng dayaan. Nakaangkla ang aking pananaw sa kasabihang may kakawing na pagbibiro na lagi nating naririnig tuwing natatapos ang halalan: kapag natalo ang isang kandidato, siya ay nadaya; kapag siya naman ay nanalo, siya ay nandaya.
Sa seryosong paglalarawan, ang panalo at pagkatalo ng isang kandidato ay nakasalalay sa pasiya ng mismong mga botante; sa pagtimbang ng sambayanan sa kakayahan, katangian at sa nilalaman ng mga plataporma na inaakala nilang katanggap-tanggap sa taumbayan. Marapat na sila, lalo na ang kanilang pagkatao, ay ikararangal at angkop sa matatag na paninindigan na dapat angkinin ng isang lider.
Sa privelege speech ni Senate Majority Floorleader Vicente Sotto III kamakalawa, naniniwala ako na ang nabanggit na katangian ang tinaglay ng mga kandidato noong nakalipas na eleksiyon. Dangan nga lamang at ang kanyang talumpati ay nakasentro sa sinasabing dayaan na maaaring ikinatalo ng ilang kandidato kahit na sila ay maituturing na karapat-dapat sa isang makabuluhang paglilingkod.
Hindi ko na tatangkaing himayin ang mga detalye ng nabanggit na privilege speech na tigib ng mga alegasyon na dapat busisihin ng mga mambabatas. Sapat nang mabatid natin na ang naturang pagbubunyag na minsan pang yumanig sa bayan ay itinakdang imbestigahan sa Senado. Tila pinausad na ang isang resolusyon na gigisa, wika nga, sa Comelec at Smartmatic; marapat na mailantad ang sinasabing dayaan na maaaring makaapekto rin sa susunod na 2019 elections. Mag-abang na lamang tayo.
Nais kong ilahad, sa pagkakataong ito, ang iba’t ibang anyo ng dayaan sa halalan na hindi malayong naganap at nagaganap tuwing tayo ay nagdadaos ng halalan. Karaniwan nang inirereklamo ang tinatawag na dagdag-bawas o tiwaling pagbilang ng mga boto, lalo na noong hindi pa ipinatutupad ang automatic counting machine. Ang ganitong umano’y madayang sistema ang tiyak na aalamin ng susunod na Senate public hearing.
Isa ring anyo ng dayaan ang tinatawag na vote-buying; dehado rito ang mahihirap na mga kandidato at nakalalamang, siyempre ang masasalapi.
Maituturing na malagim na anyo ng dayaan ang pagpaslang ng magkakalabang mga kandidato na karaniwang nangyayari sa mga lugar na matindi ang pag-aagawan sa kapangyarihan at likas na kayamanan. Kabilang kami sa mga naging biktima ng ganitong madugong sistema ng dayaan.
Marami pang anyo ang election frauds na naging bahagi na ng ating kulturang pampulitika.