Ni Francis T. Wakefield
Nagbukas na kahapon ng 6,100 recruitment slots ang Philippine Army (PA) para sa taong ito upang mapalakas pa ang puwersa nito laban sa terorismo sa bansa.
Idinetalye ni PA Spokesman Lt. Col. Louie Villanueva na kabilang dito ang nauna nang naaprubahang pagbubukas ng 3,600 annual regular quota at karagdagang 2,500 para sa taong ito, na may kabuuang 6,100 slots.
Limang porsiyento, aniya, rito ay nakalaan sa mga babaeng recruits at ang lima pang porsiyento ay laan naman sa mga katutubo o indigenous peoples.
Mapupunan, aniya, nito ang ipinatutupad nilang troops requirements na katumbas ng 10 Infantry Battalion (IB) at isang Scout Ranger Battalion (SRB).
“These additional Army units aim to further strengthen the Army’s capability in addressing the various threats, particularly terrorism besetting the country,” pagtitiyak ni Villanueva.
Patuloy na aniya ang kanilang recruitment at magsisimula ang training ng mga ito sa Hunyo 2018.