Ni Celo Lagmay
Nang hilingin sa Commission on Higher Education (CHED) ang lubos na implementasyon ng utos ng Supreme Court (SC) hinggil sa muling pagtuturo ng kursong Filipino at Panitikan sa mga kolehiyo at unibersidad, nalantad ang mistulang paglapastangan ng naturang ahensiya sa ating wikang pambansa. Nangangahulugan na nag-aatubili o tahasang tumanggi ang CHED sa pagpapatupad ng desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Palibhasa’y may matayog na pagpapahalaga sa sariling wika o Filipino, hindi ko malilimutan ang pagsasampa ng asunto ng isang grupo laban sa pag-aalis o pagpapawalang-bisa ng Filipino at Panitikan (literature) bilang mandatory core courses sa bagong General Edcuation curriculum sa mga kolehiyo at pamantasan sa Pilipinas. Subalit isang malaking kabalintunaan kung bakit sa kabila ng desisyon ng SC, hindi kailanman ipinatupad ng CHED ang naturang utos.
Maniniwala ako na dito nakaangkla ang kahilingan ng grupo ng mga mapagmahal sa Filipino. Sa pamamagitan ng pamunuan ng Tanggol Wika (Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Alliance of the Defenders of the National Language). Marapat lamang na maliwanagan ang sambayanan, maliban sa mga may isipang kolonyal na ayaw kumawala sa kulturang dayuhan, kung bakit nagpaumat-umat ang naturang ahensiya sa pagtupad ng SC order.
Ang CHED, tulad ng Department of Education (DepEd) at iba pang tanggapan na nagsusulong ng pagpapayaman ng sining at kulturang Pilipino, ang dapat sanang nangunguna sa pagpapayaman ng sariling wika. Hindi na kailangang imulat sa kanila ang lakas ng lengguwaheng Filipino; sapat nang mabatid na ito ang kulturang bumibigkis sa ating lahi tungo sa ganap na pagkakaunawaan, kaunlarang pangkabuhayan at pangkalinangan. Hindi na kailangang ipamukha sa kanila na ang naturang sining ay kinasangkapan din ng ating mga bayani sa pagtatanggol ng kasarinlan ng ating lahi.
Hindi rin maaaring maliitin ang kahalagahan ng panitikan sa pag-aaral ng ating mga mahal sa buhay. Hindi lamang sila nagkakaroon ng malawak na pang-unawa sa naturang asignatura; nagkakaroon din sila ng pagkakataong patalimin, wika nga, ang kanilang kaalaman sa pagsulat ng iba’t ibang anyo ng literatura. Sa mga paaralan, natitiyak ko na isang magandang pagkakataon ang paglahok nila sa iba’t ibang paligsahang pampanitikan.
Hindi marahil isang kalabisan, na maging bahagi ng ating karanasan ang pakikipagtagisan sa panulat sa ating mga kapuwa mag-aaral sa mga kolehiyo at unibersidad. Masyadong malusog noon ang panitikan na lalong pinasigla sapagkat walang mga kilusan na lumalapastangan sa ating wika.