Ni Mary Ann Santiago

Sinisiyasat ng awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng isang lolo, na unang nawalan ng malay habang naglalakad sa bangketa, sa Marikina City nitong Sabado.

Inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktimang inilarawang nasa edad 60-70.

Sa ulat ng Marikina City Police, huling nakita ang biktima na naglalakad sa kalsada sa Old J.P. Rizal Street, Barangay Nangka ng nasabing lungsod.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bigla umanong nawalan ng ulirat ang matanda at bumagsak sa bangketa, kaya agad humingi ng tulong ang mga residente sa Barangay Security Force (BSF).

May nakapagsabi sa awtoridad na taga-Barangay Parang ang biktima, kaya inihatid nila ito sa Barangay Parang Hall.

Gayunman, hindi pa man natatagpuan ang kanyang mga kaanak ay tuluyan nang binawian ng buhay ang biktima habang sakay sa isang multicab sa tapat ng Barangay Parang Hall, Bgy. Parang, Marikina City.

Isasailalim sa autopsy ang biktima habang tinutunton ang kinaroroonan ng kamag-anak nito.