Ni Celo Lagmay

HINDI ako natigatig sa planong pagpapasara ng buong Boracay island resort; naniniwala ako na higit na makabuluhan ang ganap na rehabilitasyon ng naturang isla na sinasabing umaalingasaw ngayon dahil sa karumihan at hindi kanais-nais na amoy; na kabi-kabila ang walang patumanggang paglabag sa environmental compliance certificate.

Mismong si Pangulong Duterte ang inalibadbaran nang siya ay minsang bumisita sa naturang isla, kasunod ng kanyang mahigpit na utos na ipasara ang daan-daang establisimyento na walang angkop na sewerage system; ang kanilang mga basura at iba pang dumi ay pinaaagos na lamang sa dalampasigan na naging sanhi naman ng problema sa sanitasyon.

Totoo na ang pagpapasara sa Boracay ay makaaapekto sa kabuhayan ng mga negosyante na kumikita sa naturang isla. Kabilang na rito ang sinasabing 17,000 manggagawa na doon lamang kumukuha ng ikinabubuhay. Subalit higit na mahalaga ang rehabilitasyon ng nasabing tourist destination na natitiyak kong makapagpapaangat sa bilang ng mga local at foreign tourist na laging nananabik na bumisita sa Boracay na matagal nang napatanyag sa buong daigdig dahil sa mga kaakit-akit na tanawin doon.

Ang pagpapasara at rehabilitasyon ng Boracay, kung matutuloy, ay maaaring itinulad sa mga tourist destination sa iba’t ibang panig ng Asia at iba pang kontinente. Ang Phuket sa Thailand, halimbawa, ay ipinasara sa mahaba-haba ring panahon upang ganap na baguhin ang anyo at kapaligiran nito na makatutugon sa kasiyahan ng mga dayuhang turista. Ngayon, ang naturang isla ay patuloy na dinudumog hindi lamang ng mga Pilipino kundi maging ng iba’t ibang lahi.

Sa aking pagkakaalam, maging ang Bali sa Indonesia ay dumaan din sa katakut-takot na rehabilitasyon upang hindi maiwanan ng mga island resort sa kagandahan, kalinisan at pangangalaga sa kalikasan. Ito marahil ang dahilan kung bakit laging ipinangangalandakan ng ating kababayang manunulat -- si Dr. Alejandro R. Roces, Jr., National Artist for Literature -- ang kagandahan at kaakit-akit na isla. Lagi niyang sinasabi: After seeing Bali, you can die. Napatunayan ito ng isang grupo ng mga mamamahayag na minsang bumisita sa isla.

Dahil dito, marapat na ring magkaroon ng ganap ng rehabilitasyon ang iba pang island resort, tulad ng Panglao sa Bohol, Siargao sa Mindanao, El Nido sa Palawan at iba pa. Natitiyak ko na ang ganitong pagsisikap ay lalong makapagpapaangat sa bilang ng mga turista. Higit sa lahat, ang mga ito ay hindi na masasabing umaalingasaw na paraiso at maging huwaran na sa kagandahan at kalinisan.