Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena, Pasig)

2:00 n.h. -- Perpetual vs Wangs Basketball-Letran

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

4:00 n.h. -- Batangas-EAC vs Go for Gold

MAKASALO sa ikalawang posisyon kasama ng Marinerong Pilipino at Akari-Adamson ang tatangkain ng Wang’s Basketball -Letran sa pagsabak nila sa 2018 PBA D League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kasalukuyang may barahang 3-2, katabla ng Gamboa Coffee Mix-St. Clare, pupuntiryahin ng Couriers ang ika-apat na tagumpay sa pagsagupa sa University of Perpetual ganap na 2:00 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng Batangas-Emilio Aguinaldo College at ng Go for Gold -St. Benilde ganap na ika-4:00 ng hapon.

Inilampaso ng Wang’s ang Jose Rizal University noong nakaraang Pebrero 26 sa iskor na 73-55 upang makabalik ng winning track mula sa dalawang dikit na pagkabigo.

Samantala, magtatangka namang makabawi ng Altas mula sa natamong 73-78 na kabiguan sa kamay ng Gamboa Coffee Mix - St. Clare na nagbagsak sa kanila sa ikapitong puwesto taglay ang markang 2-3.

Samantala, sa tampok na laban, tatangkain naman ng Go for Gold -St. Benilde na makaangat sa ika-apat na posisyon kasalo ng Zark’s Burger -Lyceum (4-3) sa pagtutuos nila ng Batangas-Emilio Aguinaldo College Generals na hangad namang buhayin ang tsansang makahabol sa playoffs.

Sisikapin ng Scratchers na makabangon sa nalasap na kabiguan sa kamay ng CEU Scorpions para makamit ang ika-4 nilang tagumpay habang patuloy namang magkukumahog ang Batangas na madagdagan ang nag-iisang panalong hawak makaraan ang unang anim na laro sa elimination round.