Ni Bert de Guzman
TANGING si ex-Pres. Fidel V. Ramos (FVR), isa sa key figure o mahalagang karakter, ang nakadalo sa selebrasyon ng ika-32 anibersaryo ng 1986 Edsa People Power Revolution noong Linggo. Wala sina ex-Defense Minister Juan Ponce Enrile at ex-Army Lt. Col. Gregorio “Gringo” Honasan.
Sa edad na 89 (90 anyos siya sa susunod na buwan), hindi na nagawa ni Mr. Tabako ang tradisyunal na paglundag tuwing pagdiriwang nito. Ito ay ang tinatawag na signature Edsa Victory Leap o ang paglundag niya nang marinig sa radyo na umalis na sa Malacañang ang diktador na si Ferdinand Marcos.
Pinagkalooban si Ramos ng People’s Power Heroes Award samantalang ang Edsa People Power Award ay ipinagkaloob sa Armed Forces of the Philippines. Pambihira ang pagkalas nina Enrile at Ramos sa rehimeng Marcos noong 1986 sapagkat hawak ng diktador ang buong puwersa ng AFP at PC-INP. Pero, nagulat ang mga mamamayan nang suportahan ng taumbayan, sundalo at pulis sina JPE at FVR gayong alam nilang sunud-sunuran ang militar kay FM at ex-AFP chief of staff Gen. Fabian C. Ver.
Hinimok ni FVR ang mga Pilipino na magkaaisa at magtulungan sa panahon ngayon ng krisis at kontrobersiya. Ipinaalala niya sa mga tao na ang 1986 revolution ay “simula lang ng pagbabago”, hindi wakas sa adhikain ng mga Pinoy.
Badya ng dating Pangulo: “We are just beginning. The outcome, which is a better future for all Filipinos must be done by all succeeding presidential administrations.” Sinabihan din niya si Pres. Rodrigo Roa Duterte na dapat ay dumalo sa selebrasyon at hindi iniwasan ito.
Hinimok niya ang Duterte administration na “yakapin ang oposisyon”, huwag silang buwagin at ituring na mga kaaway.
Hindi raw dapat kalimutan ang mga leksiyon ng apat-na-araw na pag-aalsa na nagpatalsik kay ex-Pres. Marcos. “Huwag nating kalimutan ang natutuhan sa Edsa, at ang nangyayari ngayon ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino para sa isang magandang kinabukasan.”
Hiniling ng isang kongresista, si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, kay PRRD na i-certify as urgent ang panukala na ang layunin ay lumikha ng isang lupon na tutulong sa pag-develop at pangangalaga sa sovereign rights ng Pilipinas sa oil-rich Philippine Rise (Benham Rise).
Sa kanyang House Bill 5360, iminumungkahi niyang si NEDA Sec. Ernesto Pernia ang maging tagapangulo ng lilikhaing lupon. Layunin ng kanyang panukala ang paglikha ng isang Philippine Rise Protection and Development Authority. Sana ay hindi maging umid ang dila sa isyung ito ni PRRD tulad ng pagkaumid niya sa isyu ng ating mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Matigas ang paninindigan ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa panawagang siya ay mag-resign na lang sa gitna ng impeachment complaint na kanyang kinakaharap. Hindi siya magbibitiw at handang harapin ang mga akusasyon ni Atty. Lorenzo Gadon.
Isa pang babae, si Davao City Mayor Sara Duterte ang palaban din. Handa niyang sagupain si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na nag-akusa sa kanyang bahagi ng oposisyon bunsod ng pagtatatag ng bagong partido sa Davao, ang Hugpong sa Pagbabago (HNP). “Kapal ng mukha mo,” supalpal ni Inday Sara kay Speaker Bebot. Buti hindi niya sinabing baka suntukin kita, tulad ng ginawa niya noon sa isang sheriff.