Ni Celo Lagmay
SA kabi-kabilang panawagan sa pagbibitiw ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa Supreme Court (SC), National Food Authority (NFA) at iba pa, iiwasan kong banggitin ang pangalan ng mga pinuno na halos ipagtabuyan sa pinaglilingkuran nilang mga tanggapan. Manapa, nais ko na lamang makiuso sa pagpapahagin ng mga ‘blind item’, tulad ng mga nakagawian sa daigdig ng showbusiness.
Hindi ba ganito ang ating nasaksihan kamakailan sa isang public hearing sa Kamara nang ipahiwatig ng isang resource person na ang kredensyal o sertipiko ng isang sinasabing Dengvaxia vaccine expert ay nanggaling lamang sa tinaguriang Recto University? Hindi mangmang ang ating mga kababayan kung sino ang naturang resource person at kung sino ang kanyang tinutukoy. Hindi ba ang gayong katawa-tawang estratehiya ay isang karuwagan sa paghahayag ng katotohanan?
Sa halip na ilantad ang target o pinagtutuunan ng resign movement, sisikapin ko na lamang himayin ang kahulugan ng resignation o pagbibitiw sa tungkulin. Hinihiling ang sapilitang pagbibitiw ng sinuman kung siya ay wala nang karapatang tumupad ng isang marangal na tungkulin; kung siya ay halos buhating palabas ng kanyang tanggapan dahil sa pagkakadawit niya sa mga katiwalian at iba pang alingasngas na masyadong nakapipinsala sa pinaglilingkuran niyang ahensiya.
Isa pang anyo ng pagbibitiw ang tinatawag na voluntary resignation o kusang-loob na pag-iwas sa mga alegasyon na bunsod ng mga paninira o inggit; ang isang nagbibitiw ay tila nagpapahabol upang siya ay pigilin sa pag-alis sa matuwid, na kailangan pa ang kanyang serbisyo. Kunwaring pagbibitiw, wika nga.
May pagbibitiw dahil sa health reasons. Ang isang nagbibitiw ay hindi na mapipigilan dahil sa pangangalaga sa kanyang kalusugan.
Ang irrevocable resignation o hindi mapipigilang pagbibitiw ang itinuturing kong bunsod ng mailap na delicadeza. Ibig sabihin, ang isang nagbibitiw sa tungkulin ay hindi nagpapaawat sa pag-alis sa puwesto sa kabila ng mahigpit na pangangailangan sa kanyang mga serbisyo.
Sa anu’t anuman, ang pagbibitiw sa tungkulin ay isang marangal na paninindigan ng sinumang naniniwala na ang tanggapan na kanilang pinaglilingkuran ay hindi dapat mabahiran ng mga pag-aalinlangan dahil sa kanilang pananatili sa puwesto.