Ni Celo Lagmay
SA pagpapatuloy kamakalawa ng pagdinig sa Kamara hinggil sa masalimuot na Dengvaxia vaccine, nais kong maniwala na talagang walang mararating ang naturang imbestigasyon na mistulang tanghalan ng mga ekspertong debatista. Tinampukan ito – tulad din ng public hearing sa Senado – ng nakalilitong mga pangangatuwiran, pagtuturuan, sisihan at kung minsan ay pagmaliit sa kaalaman at kakayahan ng ilang resource persons.
Hindi matatawaran kailanman ang katalinuhan ng mismong mga mambabatas na matamang bumubusisi sa naturang Dengvaxia scandal. Gayon din naman ang mga dumalo sa pagdinig na pawang mga dalubhasa sa kani-kanilang mga propesyon; kilalang mga lingkod ng bayan na humawak ng matataas na posisyon sa pamahalaan, tulad nina dating Pangulong Benigno Aquino at ang kanyang mga alipores.
Subalit sa muling pagdinig kamakalawa, lumutang ang kawalan ng tiwala sa mga eksperto na mistulang nagpatunay sa dahilan ng kamatayan ng sinabing mga biktima ng Dengvaxia. Mismong ang dating Pangulo ang nagpahiwatig na ang nasabing resource person ay naging eksperto sa pamamagitan yata ng sertipiko na nanggaling sa tinaguriang Recto University; ibig sabihin, kuwestiyunable.
Taliwas ito sa paninindigan ng Public Attorney’s Office (PAO) na determinado sa paglalahad ng katotohanang natuklasan ng kanilang mga eksperto sa larangan ng medisina. Katunayan, ito ang kanilang naging batayan sa pagsasampa ng mga civil and criminal cases laban sa inaakala nilang kasabuwat sa kontrobersyal na bakuna. Isang kabalintunaan na pati ang kapuwa nila nanunungkulan sa Duterte administration ay isinama sa mga demanda.
Naging bahagi rin ng pagdinig kamakalawa ang mistulang pagsinghal sa PAO ng ilang mambabatas na tahasang pagpahiwatig ng kawalan nila ng sampalataya sa naturang tanggapan. Naging emosyonal at nanggagalaiti ang nasabing mga mambabatas sa pagtuligsa sa anila’y hindi maingat na pananaliksik ng nasabing ahensiya.
Marami pang mga eksena sa naturang House hearing ang lalong nagpapalabo sa pagtuklas ng katotohanan; kabilang dito ang sinasabing tiwaling paglalaan ng P3.5 billion funds na ibinili ng Dengvaxia, pananagutan ng Sanofi pasteur drug company. Higit sa lahat, kailangang ugatin ang pananagutan ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno na nakisawsaw sa kontrobersyal na isyu.
Sa gayon, baka sakaling mabura ang ating paniniwala na talagang wala nang patutunguhan ang naturang mga imbestigasyon na itinuturing na ‘in aid of legislation’.