Ni Johnny Dayang
IPINAGMAMALAKI ng Cabanatuan City ang sarili nito bilang Tricycle City ng Pilipinas. Ayon sa talaang opisyal, ilang taon nang nakalipas, mga 80,000 traysikel ang naglipana sa naturang lungsod. Ngayon, maaaring mahigit 100,000 na ang bilang nito, kasama na yung mula sa mga kalapit na bayan na nagsisilbing transportasyon ng may 330,000 populasyon ng lungsod. Walang patid na kaguluhan sa trapiko ang dulot nito.
Gayunman, narito ang pansin ng isa kong kaibigang taga-Cabanatuan:
“Tila walang pakialam ang maraming lokal na tricycle drivers kung makilalang Lungsod ng mga Opurtunista at Abusadong Tricycle Drivers sa buong Pilipinas ang Cabanatuan. Hindi lamang walang pakundangan kung labagin nila ang mga batas trapiko. Ipinagyayabang pa nila ang kanilang panglalamang sa ibang mga motorista at pasahero.
“Ang lalong ikinagagalit ng mga lokal na mananakay ay ang sapilitang paniningil ng naturang mga drayber ng pamasahe na higit doble kaysa itinatadhana ng batas, at pagmumura at pang-iinsulto nila sa mga pasaherong ayaw silang patulan.
“Naniningil sila ng P30 sa tinakbong kulang pa sa dalawang kilometro at pinalolobo pa nila ito ng malaki kapag malayo ng kaunti. Ang itinatalaga ng umiiral na ordinansa ng lungsod ay P14 sa unang dalawang kilometro at karagdagang P2.00 bawat kilometrong susunod.
“Ang malimit nilang mabiktima ay mga baguhan o napapadaan lamang sa lungsod na sinisingil nila ng lalong malaki o kaya kinukontrata ang biyahe sa loob lamang ng lungsod. Minsan ay ipinapakita pa nila ang pekeng taripa na gawa-gawa lamang nila upang makaloko ng iba. Sa mga estudyante naman, sumisingil sila ng P20 bawat tao na kailangan pang maghintay hanggang makakuha sila ng tatlong pasahero. Sa umiiral na ordinansa, ang itinatalagang pasahe ay P10 lamang bawat isa kung maramihan ang sakay.”
Batay sa pansing pahayag na ito, marapat marahil na bigyang pansin at imbestigahan na mga awtoridad ng lungsod at trapiko, ang garapalang panlalamang na ito ng maraming mga tricycle drivers sa Cabanatuan.
DENGVAXIA HYSTERIA. Sa pangalan at tunog pa lamang, parang bagong lahi ng dengue virus and Dengvaxia hysteria. Sa mga mapanuri, siyempre agad nilang makikitang isang “political mutant dengue virus” lamang ito, na umusbong mula sa walang pakundangan at nakatutulig na debate at awayan ng mga awtoridad na dapat sana ay sila ang mangangalaga at magtataguyod sa kapakanang panlipunan.
Ayon sa media, na kumpirmado mismo ni Health Secretary Francisco Duque III, maraming mga magulang sa mga lalawigan ang ayaw at tumatangging pabakunahan ang kani-kanilang mga anak laban sa iba’t ibang sakit dahil sa pangambang mamatay ang kanilang mga supling. Nakalulungkot ngunit mauunawaan natin sila.
Ang lalong masakit at nakababahala ay ang mabalitaan na lamang natin na marami sa ating mga kababayan sa malalayong lalawigan ang nangamamatay dahil sa mga sakit na matagal nang nasugpo ng mabisang mga bakuna.
Hindi sana naganap ang ‘hysteria’ at nagkaroon ng matinding takot sa bakuna ang mga kababayan natin kung maagang nag-ugnayan at kumilos ang mga opisyal sa Katarungan at Kalusugan, at sama-sama nilang tinugunan ng wasto ang mga isyung kaugnay ng ‘Dengvaxia vaccine,’ sa halip na hayang kasangkapanin iyon ng kanilang mga alagad para isulong ang pansarili nilang agenda.