Ni Leandro Alborote
LA PAZ, Tarlac – Anim na katao, kabilang ang isang umano’y lasing na motorcycle rider, ang nasugatan sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa La Paz-Victoria Road sa Barangay Lara, La Paz, Tarlac, nitong Martes ng gabi.
Isinugod sa La Paz Medicare and Community Hospital sina Raymark Ladestre, 24, driver, ng motorsiklo, residente ng Bgy. Lara, La Paz; Mark Christian Esteban, 15, driver; Bryan Cunanan, 20; Mariz Esteban, 23; Shane Esteban, 14; at Clarenz Clybe Cunanan, 2, ng Bgy. Guevarra, La Paz, Tarlac.
Sa imbestigasyon, bumabagtas sa magkasalungat na direksiyon ang motorsiklo at tricycle nang magkasalpukan sa La Pa-Victoria Road sa Bgy. Lara, La Paz, dakong 8:50 ng gabi.
Inamin naman ni Ladestre sa pulisya na nakainom siya ng alak, at nawalan ng kontrol sa minamanehong motorsiklo.