Ni Celo Lagmay
HINDI lamang ang Philippine National Police (PNP) ang may masidhing hangaring magpatupad ng nationwide curfew para sa mga bata. Naniniwala ako na higit na nakararaming sektor ng sambayanan ang matagal nang umaasam na ang naturang grupo ng mga kabataan ay dapat magkaroon ng limitadong oras ng paggala mula sa gabi hanggang sa madaling-araw: sa pagpapatupad ng curfew hour, sila ay kailangang manatili sa bahay.
Hindi malayo na ang ganitong estratehiya ay magkaroon ng taliwas na pakahalugan ng ilang grupo ng taumbayan, lalo na ng Commission on Human Rights (CHR) na lagi nang nakamasid sa inaakala nilang paglabag sa karapatang-pantao. Aakalain ng naturang ahensiya na ang implementasyon ng curfew hour ay mistulang pagkitil sa karapatang gumala ng mga bata.
Sa pagtatakda ng nationwide curfew, naniniwala ako na ang kailangang mangibabaw ay kaligtasan ng mga bata. Tulad ng pagbibigay-diin ni PNP Director General Ronald dela Rosa, ang naturang plano ay laban sa juvenile delinquency o masamang asal ng mga kabataan. Hindi maikakaila na marami sa kanila ang halos magdamag na gumagala sa mga lansangan; ang ilan ay natatagpuan sa mga internet shop sa halip na mag-aral ng leksiyon at ilaan ang makabuluhang panahon sa kapaki-pakinabang na gawain sa bahay.
Isang katotohanan na marami sa kanila ang natutuksong malulong sa bisyo, tulad ng paninigarilyo at illegal drugs. May pagkakataon na sila ay ginagawang drug mule o tagapaghatid ng droga dahil sa panghihikayat ng mga pasimuno sa masasamang bisyo; hindi nila alintana na sila ay mapapahamak sapagkat mistulang binubulag sila ng malaking halagang ipinagduduldulan sa kanila ng mga users, pushers at druglords. Ginagamit sila sa walang patumanggang pamamayagpag ng mga sugapa sa droga na pinupuksa ng Duterte administration.
Maraming pagkakataon na ang ilang kabataan ay kinakasangkapan ng mga kriminal, lalo na ng mga akyat-bahay, sa pagpasok sa mga bahay na nais nilang nakawan; dahil sa kaliitan ng mga bata, mabilis nilang nasusungkit ang mga bagay na nais nilang kulimbatin.
Totoong mabilis ding natututulan ng ating mga alagad ng batas ang modus ng mga kriminal na gumagamit ng mga bata sa kanilang pagnanakaw, at kung minsan, ay pagpatay. Dangan nga lamang at hindi nila maikulong kaagad ang mga ito. Dahil sa umiiral na Juvenile Delinquency Act, kailangan nilang ihatid ang mga kabataang naaaresto nila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hindi lamang ang pagpapatupad ng curfew hour ang kailangan, kung gayon, kundi ang madaliang pagsusog sa naturang batas – makatuturang misyon na dapat isagawa kaagad upang ang mga kabataan ay hindi manatiling galamay ng mga kriminal.