PINANGUNAHAN ni dating national team member Bryan Bagunas ang National University kontra De La Salle, 27-25, 25-16, 25-20, para sa ikalawang sunod napanalo sa Season 80 ng UAAP men’s volleyball tournament nitong Linggo sa La Salle University sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagtala si Bagunas ng 16 puntos na kinabibilangan ng 14 attacks bukod pa sa anim na excellent receptions para sa Bulldogs.

Dahil sa panalo, umangat sila sa markang 3-1, kapantay sa ikalawang puwesto ng three-time defending champion Ateneo de Manila University.

Bumagsak naman ang DLSU sa ikalawang dikit nilang pagkatalo na nagbaba sa kanila sa 1-3 kartada kapantay ng University of the Philippines.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagtapos na topscorers para sa Spikers sina Arjay Onia at Raymark Woo na may 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Sa isa pang laro, nakabalik sa winning track ang University of Santo Tomas makaraang padapain ang Adamson University, 25-20, 25-21, 14-25, 25-22.

Nagtala ng 12-puntos si Arnold Bautista, habang nagdagdag ng 12-puntos si Joshua Umandal upang pamunuan ang nasabing tagumpay ng Tigers na nagbalik sa kanila sa winners circle matapos ang natamong kabiguan sa defending champion Ateneo Blue Eagles.

Bunga ng nasabing panalo, pumatas ang Tigers sa Ateneo at NU sa ikalawang puwesto taglay ang 3-1 na marka habang bumaba naman ang Falcons sa kabaligtarang kartada. - Marivic Awitan