Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS

Naninindigan ang Malacañang sa desisyon nito na hindi kikilalanin ang mga pangalang ibinigay ng China sa limang underwater features sa Philippine Rise at itutuloy ang pagbibigay ng pangalang Pilipino sa mga ito.

Gayunman, sa isang panayam sa radyo nagpahayag si Presidential Spokesperson Harry Roque ng pag-asa na hindi ikasasama ng loob ng China ang hindi pagkilala ng Pilipinas sa mga pangalang Chinese.

“Hindi po natin kikilalanin ang mga pangalan na binigay ng Tsino diyan,” ani Roque sa DZMM kahapon ng umaga.

Internasyonal

Spanish tourist, pinatay ng pinaliliguang elepante

Iniulat na pinangalanan ng China ang limang underwater features sa plateau -- Jinghao, Tianbao, Haidonquing, at Jujiu Seamounts, at Cuiqiao Hill. Ang Cuiqiao Hill at Jujiu Seamount ay bumubuo sa mismong central peaks ng Philippine Rise undersea geological province.

Nauna nang nagpahayag ang Malacañang na walang rason para maalarma ang publiko sa hakbang ng China dahil kinikilala ng Asian giant na ang Pilipinas ang may sovereign rights sa 13-milyon ektaryang underwater plateau.

Sinabi ni Roque, sa press briefing, na tumututol ang Pilipinas na hindi ito naimpormahan na magsusumite ang China ng mga pangalan para sa features na iniulat na nadiskubre ng kanilang researchers sa rehiyon sa nakalipas na mahigit 20 taon.

Ang panukala ng China na pangalanan ang ilang undersea features sa PH Rise ay isinumite sa International Hydrographic Organization – Intergovernmental Oceanographic Commission General Bathymetric Chart of the Oceans (IHO-IOC GEBCO) Sub-Committee on Undersea Feature Names (SCUFN) sa mga pagpupulong nito sa Brazil noong Oktubre, 2015 at Setyembre, 2017.

Nauna nang ipinaliwanag ni Roque na hindi naipaalam sa Pilipinas ang hakbang ng China dahil hindi kasapi ang bansa ng SCUFN, at maraming bansa ang tumututol sa nasabing proseso.

“Bakit kayo lang ang nagbibigay ng mga pangalan? Dapat iyan pinagbibigay alam doon sa mga tinatawag na coastal state,” aniya.

Ayon kay Roque, hindi na dapat palakihin ang isyu dahil hindi naman inaangkin ng China ng nasabing features. Idinagdag niya na pinangalanan ng China ang maraming bagay ngunit hindi naman inaangkin ang mga ito.

“Marami namang mga pangalan na bigay talaga ang Tsina: Siopao, siomai, ampao, hototay pero lahat naman po iyan ay hindi ibig sabihin na sila ay nag aangkin,” aniya.

Sinupalpal ni Senador Ping Lacson ang mga pahayag ni Roque, at ang wala sa hulog nitong analogy dahil ang mga nabanggit ay Chinese creations hindi tulad ng underwater features sa PH Rise.

“Siopao, siomai, hototay are Chinese culinary creations. Benham Rise features are Filipinos’ patrimonial possessions. They cannot be analogous,” ani Lacson.