12 karatekas sa ‘anti-corruption campaign’ ng PSC, binuweltahan ng PKF

Ni EDWIN ROLLON

BINASAG ni Jose ‘Joey’ Romasanta, kontrobersyal na pangulo ng Philippine Karate-do Federation (PKF), ang katahimik hingil sa samu’t saring isyu kabilang ang korapsyon sa asosasyon sa ipinalabas na ‘demand letter’ sa 12 atleta ng karate.

Batay sa sulat ng kanyang legal counsel na si Atty. Cindy Ilagan-Cayco, hiniling ng kampo ni Romasanta sa mga atleta na maglahad ng ‘public apology’ at bawiin ang naunang pahayag sa Philippine Sports Commission hingil sa umano’y mapanirang akusasyon.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Binigyan ni Atty. Cayco ang mga atletang sina Eugene Stoner Dagohoy, john Paul Bejar, Cresencio James delos santos, Jayson Macaalay, Mark Manantan, John Manantan, Alex Nunez, Rexor Tacay, Miyuki Tacay, Ireneo Soriano Jr., Mae Soriano at Kimberly Madrona nang 10 araw para isagawa ang ‘demand letter’ at makaiwas sa kasong criminal na kanilang isasampa.

‘This demand is made upon you to comply within ten (10) days to the above-stated conditions. If this demand remains unheeded, we will be constrained to file the appropriate civil and criminal charges against you to protect the interests of out clent,” ayon sa sulat ni Cayco.

Aniya, ang mga napahayag ng mga atleta sa isinagawang press conference at panayam ng mga pahayagan ay ‘malicious statements and unsupported accusation has caused damage to his person’,.

Nag-ugat ang isyu nang ireklamo ng mga atleta kay PSC Commissioner Ramon Fernandez ang anila’y kulang na allowances na ibinigay sa kanila ni PKF secretary-general Raymond Lee Reyes sa kanilang pagsasanay sa Germany isang buwan bago sumalang sa SEA Games nitong Agosto 2017.

Natanggap nila umano ay Euro 480, gayung ang inaprubahan na budget ng PSC ay US$1,600 kada isang atleta. Sa liquidation report ng PKF, US$1,600 ang budget na nakuha umano ng mga atleta.

Naungkat din ang hindi pagbigay ng budget sa nga atleta, gayung nasa record ng PSC ay nai-release sa PKF ang lahat nang hininge nitong ‘financial assistance’.

Bunsod nito, hiniling ng PSC sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon, habang kinuha ng PSC ang pangangalaga sa mga atleta. Sinuspinde rin ng sports agency ang PKF at ipinasara ang opisina nito na pag-aari ng PSC.

Iginiit naman ni Fernandez sa mga atleta na huwag matakot sa naturang ‘demand letter’.

“Ibinigay namin sa PSC legal department yung usapin. Pero, sinasabi namin sa mga atleta na huwag silang matakot at nasa likod nila kami. Sususportahan namin sila, all the way,” pahayag ni Fernandez.

Nauna nang nagbuo ang PSC ng ‘complaint center’ na tumatanggap sa lahat ng reklamo ng atleta at coach sa kanilang mga lider sa national sports association. Pinamumunuan ito ni PSC executive director Atty. Sannah Frivaldo.