Ni Beth Camia
Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang plunder case laban kay Pangulong Duterte, na isinampa ni Senator Antonio Trillanes IV noong Mayo 2016.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, sumulat mismo sa kanya si Deputy Ombudsman Melchor Carandang para sabihin na noong Nobyembre 29, 2017 pa “closed” at “terminated” ang reklamong pandarambong laban sa Pangulo.
Sinabi ni Calida na ibinasura ang reklamo dahil sa kawalan ng merito.
“It means there is no evidence to support that complaint,” wika ni Calida.
Sa sulat ni Carandang kay Calida nitong Pebrero 12, 2018, ang rekomendasyon na i-terminate ang imbestigasyon ay aprubado ni Deputy Ombudsman Cyril E. Ramos.
Mayo 5, 2016 nang naghain si Trillanes ng plunder complaint laban kay Duterte dahil umano sa ghost employees sa mga payroll ng Davao City government.
Ayon kay Trillanes, base sa 2015 Commission on Audit (COA) report, may 11,000 ghost employees sa Davao City, na may budget na P708 milyon.