Ni Gilbert Espeña
PINATULOG ng dating sparring partner at kababayan ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na si Sonny Katiandagho sa 4th round si Junar Adante upang matamo ang Philippine Boxing Federation super lightweight title nitong Pebrero 10 sa Mandaluyong City Hall Grounds, Mandaluyong City.
Binansagang “Pinoy Hearns” dahil sa kanyang estilo ng pakikipaglaban, pinakiramdaman muna ng tubong General Santos City na si Katiandagho ang estilo ng tubong Surigao del Sur na si Adante bago nagpakawala ng matinding kanan na nagpakalog sa tuhod ng karibal.
Bumagsak si Adante sa isa pang kombinasyon ni Katiandagho kaya itinigil ni referee Virgilio Garcia ang laban upang ibigay ang panalo boksingerong may taas na 5’8 at 25-anyos pa lamang.
Dating WBC Youth super lightweight champion si Katiandagho na natalo via 6th round TKO sa kanyang huling laban kay Aussie world rated Darragh Foley noong Abril 4, 2017 para sa WBA Oceania junior welterweight title sa Sylvania Waters, New South Wales, Australia.
Napaganda ni Katiandagho ang kanyang rekord sa 12 panalo, 2 talo na may 7 pagwawagi sa knockouts at umaasang maikakasa sa world rated boxer sa hinaharap.