Ni Celo Lagmay
KAHIT na ano ang sabihin ng sinuman, naniniwala ako na isang higanteng hakbang, wika nga, ang pagpapatupad ng ganap na pagbabawal sa pagpapadala ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait. Halos manggalaiti si Pangulong Duterte sa pagpapahayag ng total deployment ban ng ating mga manggagawa sa naturang bansa.
Sa kabila ng malaking tulong ng OFWs – hindi lamang ng mga nasa Kuwait kundi maging sa ibang bansa sa Middle East at sa iba pang panig ng daigdig – sa pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas, naniniwala ako na higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan kaysa sa kanilang trabaho. Mahigit na 250,000 OFWs ang nagtatrabaho sa Kuwait, at 75 porsyento sa kanila ay mga kasambahay o domestic workers. Limpak-limpak na dolyar ang kanilang naitutulong sa bansa; bukod pa rito, siyempre, ang makabuluhang ayuda sa kani-kanilang mga pamilya.
Dapat lamang asahan, kung gayon, na ang total deployment ban ng Pangulo ay labis na nagpabigat sa dibdib ng ating mga kapatid na OFWs. Lalo na nga ang mahigit na 5,000 manggagawa na halos sasakay na lamang sa eroplano upang magtungo sa Kuwait nang sila ay bulagain ng nabanggit na presidential directive. Kaakibat ng nasabing utos ang pagpapauwi ng nasabing migrant workers na ang karamihan ay doon na naninirahan, kasama ang kanilang mga pamilya.
Hindi dapat panghinayangan ang mga oportunidad na makapaghanapbuhay sa ibang bansa, lalo na nga sa Kuwait. Masyadong nakagagalit ang mga ulat hinggil sa pagmamalupit ng pinaglilingkuran ng ating mga OFWs; bukod pa rito ang sinasabing panggagahasa, hindi pagpapasuweldo, pag-alipusta at pagpatay. Nakakikilabot halimbawa, ang pagkakatuklas ng bangkay ni Joanna Daniela Dimapilis sa isang freezer sa bakanteng apartment.
Sa kabila ng gayong nakakikilabot na eksena, naniniwala ako na marami pa rin tayong mga kapatid na OFWs ang maghahangad na manatili sa Kuwait – at maaaring sa ibang bansa sa Middle East. Maaaring mas matimbang ang kanilang kinikita kaysa sa panganib at panggigipit na kanilang susuungin sa kanilang pinapasukan. Karapatan nila ang magkaroon ng sariling pagpapasiya sa kanilang kapalaran; malaking biyaya na natitiyak kong hindi nila matitikman sa ating bansa kung sila ay uuwi.
Dito nahaharap sa malaking hamon ang Duterte administration. Ang pagpapauwi sa ating OFWs upang mailigtas sa kalupitan ng kanilang mga pinaglilingkuran – at ang pagmamalasakit sa mga migrant workers – ay marapat mapaghandaan ng kanilang pagkakakitaan upang hindi naman sila mapabilang sa mahabang linya ng mga walang trabaho o jobless.
Kailangan din naman silang mailigtas sa gutom at kawalan ng pagkakakitaan.