Ni Celo Lagmay
SA kabila ng pagdagsa ng mga produktong dayuhan sa ating mga pamilihan—mga bilihing kinahuhumalingan ng ating mga kababayang may isipang kolonyal o colonial mentality—lalo kong pinakaiingatan ang aking mga sapatos na gawa sa Marikina o Marikina-made; higit ang pagpapahalaga ko sa mga ito kaysa mga sapatos na inangkat sa iba’t ibang bansa.
Isa ito sa mga dahilan kung bakit dapat pag-ibayuhin ang pagpapalawak ng industriya ng sapatos sa Marikina; hindi ito dapat mamatay lalo na kung iisipin na ang naturang siyudad ang kinikilalang ‘shoe capital of the Philippines’.
Patunay ito ng pagtangkilik sa sariling atin, bilang bahagi ng ‘Filipino First Policy’ na itinaguyod ng yumaong Pangulong Carlos P. Garcia.
Mabuti na lamang at ‘tila ganito rin ang paninindigan ni Pangulong Duterte nang kanyang iutos ang pagpapaunlad at modernisasyon ng footwear industry o industriya ng sapatos sa Marikina. Naalala ko na sa isang okasyon sa Malacañang, ipinagmalaki niya ang suot niyang sapatos na Marikina-made.
At bilang pagtugon sa direktiba ng Pangulo, tiniyak naman ni Trade Secretary Ramon M. Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtulong sa Philippine Footwear Federation, Inc. (PFFI) upang patatagin ang industriya ng sapatos sa Marikina.
Dahil sa makabagong mga teknolohiya sa iba’t ibang larangan, higit na kailangan ngayon ang makabagong mga makinarya sa paggawa ng sapatos. Totoo na marami pa rin sa atin ang naghahangad na magpasadya ng sapatos na ginagamitan ng kamay o hand-made at hindi ng mga makina, higit na makapagpapasulong sa shoe industry ang tinatawag na ‘technological improvement’; sa pamamagitan ng state-of-the-art scanners, halimbawa, makagagawa tayo ng matitibay at makabagong mga sapatos na maihahanay o makahihigit pa sa inangkat na mga sapatos.
Bilang bahagi pa rin ng pagpapaunlad ng footwear industry, itinatag ng DTI Marikina ang Philippine Footwear Academy sa siyudad. Dito manggagaling ang job-ready workers para sa Marikina footwear industry; nagkataon na ito ang kauna-unahan at tanging footwear school sa Southeast Asia.
Maaaring makasarili ang aking pananaw, subalit isang katotohanan na ang mga sapatos na gawa sa Marikina ay kinikilala sa iba’t ibang panig ng daigdig. Sa isang paglalakbay sa ibang bansa, halimbawa, bumili kami ng sapatos na nagustuhan namin dahil sa ganda at tibay. Magkahalong pagkabigla at paghanga ang aming nadama nang matuklasan namin na iyon ay Marikina-made.
Talagang marapat lamang palawakin at paunlarin ang industriya ng sapatos hindi lamang sa Marikina kundi sa buong kapuluan.