Ni Argyll Cyrus B. Geducos

Tinatanggap ni Pangulong Duterte ang desisyon ng International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng preliminary examination sa umano’y mga pagpatay at paglabag sa mga karapatang pantao na resulta ng kanyang madugong giyera laban sa illegal drugs.

Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ihayag na nakatanggap ng impormasyon ang Philippine mission sa Hague na sisimulan ng Office of the Prosecutor (OTP) ng ICC ang preliminary examination sa umano’y crimes against humanity ng Presidente simula nang siya ay manungkulan.

Sinabi ni Roque sa press briefing kahapon na tinatanggap ni Duterte ang desisyon ng OTP pagod na ito sa mga akusasyon sa pagpatay ng mga taong inosente.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

“The President and I met about this extensively for more than two hours last night. The President has said that he also welcomes the preliminary examination because he is sick and tired of being accused of the commission of crimes against humanity,” sabi ni Roque.

“He, of course, stands by his position that he swore an oath to protect this Republic against all threats to national security,” patuloy niya, at idinagdag na binigyang-diin ni Duterte na ang illegal drugs ay banta sa national security.

Sinabi ni Roque na kahit ituloy ng ICC ang imbestigasyon at makasuhan kalaunan si Pangulong Duterte ng crimes against humanity, wala pa rin silang magagawa.

“The ICC relies on State cooperation for arrest of individuals, although this is speculative. But right now they have a problem. They have charged a sitting president, Al Basheer (of Sudan), and they’re not able to apprehend him because no State cooperates,” sabi ni Roque.

Nagpahayag din si Roque na ang usapin tungkol sa drug war sa ICC ay hindi lalampas sa preliminary examination.

Sinabi rin ng opisyal ng Palasyo na iniisip ng Malacañang na ang desisyon ng OTP “(is a) waste of time and resources” dahil hindi pa panahon para manghimasok ang ICC sa domestic matters ng Pilipinas, at binanggit ang provision ng Rome Statute na ang ICC ay maaari lamang manghimasok kung hindi magampanan ng domestic courts ang tungkulin sa local issues.

Sinabi ni Roque na si Presidente Duterte ay inaakusahan ng crimes against humanity sa mga pagkamatay habang nagaganap ang drug war.

Ito ang mga kaso na isinampa ng abogadong si Jude Sabio sa ICC kasama ang self-confessed hitman na si Edgar Matobato bilang saksi sa mga pagpatay sa Davao City ng sinasabing Davao Death Squad (DDS), sa utos umano ni Duterte na ilang taong alkalde ng siyudad.