Ni Celo Lagmay
BAGAMAT maaaring taliwas sa paniniwala ng karamihan, nakatutuwang mabatid na wala pa umanong napapatay na user, pusher at druglord sa Tokhang operation na muling inilunsad ng Philippine National Police (PNP) pagkatapos na ito ay sandaling pamahalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ibig sabihin, kabaligtaran ito ng naunang Tokhang na naging eksena ng kabi-kabilang pagpaslang ng mga pinaghihinalaang mga sugapa sa bawal na droga; mga suspek na sinasabing nanlaban sa mga alagad ng batas.
Maliwanag na natauhan ang PNP at iba pang security agency na maging maingat, makatao at makatarungan sa paglulunsad ng mga estratehiya sa paglutas ng problema sa illegal drugs na nais mapuksa ng Duterte administration. Kabilang nga rito ang pagtataglay ng ilang grupo ng pulisya ng Bibliya at rosaryo sa Tokhang operations; sa kanilang pagkatok sa bahay ng mga pinaghihinalaang lulong sa droga upang hikayatin silang sumuko.
Sa kabila ng mga pagtuligsa ng ilang sektor sa naturang estratehiya naniniwala ang PNP na iyon ay magiging kalugud-lugod at katanggap-tanggap sa mga mamamayan. Mismong si PNP Director General Ronald dela Rosa ang nagtanggol sa bagong sistema ng Tokhang operation na bahagi ng kanya-kanyang diskarte sa paglipol ng illegal drugs.
Maliwanag na iyon ay reaksiyon ng PNP Chief sa patutsada ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na nagpahiwatig na ang estratehiya ng pulisya ay mistulang ‘props’ lamang; iyon ay ‘theatrics’ o mga eksena na karaniwang nasasaksihan sa mga pelikula. Nais bigyang-diin ng naturang mga alagad ng Simbahan na higit na makabubuti kung iiwasan ng mga alagad ng batas ang pagsasamantala sa kanilang tungkulin laban sa mga pinaghihinalaang mga sugapa sa droga.
Hindi rin ako makapaniwala na ang pagbibitbit ng Bibliya at rosaryo ay epektibo sa paglutas ng nakapanggagalaiting problema sa droga; lalo na nga kung iisipin na ang ilang mga drug suspect, kabilang na ang mga druglords, ay walang kinikilalang Panginoon. Ang Bibliya ay kinapapalooban ng mga salita ng Diyos samantalang ang rosaryo ay simbolo ng kabanalan at pagpapahalaga sa makabuluhang mga aral ng Dakilang Lumikha.
Hindi malayo na ang Bibliya at rosaryo ay tawanan lamang ng mga drug suspect sapagkat laging nakakintal sa kanilang utak ang isipang-kriminal na likha ng shabu at iba pang bawal na droga. Bunga nito, ang iba sa kanila ay bigla na lamang pumapatay, ginagahasa kahit na sariling laman, wika nga.
Sa pagpapaigting ng kampanya laban sa droga, naniniwala ako na pinakamabisang estratehiya ang maingat, makatao at makatarungang pagtupad ng mga alagad ng batas sa kanilang mga tungkulin. Ito ang magiging kalugud-lugod sa sambayanan.