JAKARTA -- Nabigo ang Team Philippines na makuha ang dominanteng 2-0 bentahe laban sa Indonesia nang maungusan ni David Agung Susanto si Jeson Patrombon, 6-2, 7-5, sa ikalawang singles match nitong Sabado sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II competition sa Gelora Bung Karno Tennis Stadium Complex sa Jakarta, Indonesia.

Naitala ng 26-anyos na si Susanto, No. 1420 sa Association of Tennis Professionals (ATP) singles rankings, ang limang aces tungo sa straight set win laban kay Patrombon.

Nahila ni Susanto ang 2-0 bentahe sa kanilang head-to-head duel ni Patrombon.

Nauna rito, nakuha ng PH Cupper ang 1-0 bentahe nang pabagsakin ni Alberto “AJ” Lim Jr. si Muhammad Althaf Dhaifullah, 6-3, 6-2, sa first singles. Ito ang unang pagkakataon na nagkaharap ang dalawa.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Target ng Pinoy netter na makaungos sa gaganaping doubles at dalawang reverse singles matches sa Linggo.

Haharapin nina Francis Casey Alcantara at Jurence Mendoza ang tambalan nina Susanto at Justin Barki sa doubles.

Magtutuos naman sa reverse singles sina Lim at Susanto sa first match, at babawi si Patrombon sa pagsabak kay Dhaifullah sa second match.

Ang 24-anyos na si Patrombon, pambato ng Iligan City, ay nakasabak sa Davis Cup ties mula 2011, habang sina Alcantara at Lim ay naging bahagi ng delegasyon sa Southeast Asian Games sa Malaysia sa nakalipas na taon.

Si Mendoza ay miyembro ng Oklahoma State University (OSU) Cowboys kung saan naitala niya ang matikas na marka sa doubles event.