Ni Celo Lagmay
MAAARING hindi alam ng ilang opisyal ng Duterte administration, o baka nagmamaang-maangan lamang sila, na bumaba ng halos 40 porsiyento ang produksiyon ng palay noong nakaraang anihan o cropping season. Ang ganitong nakapanlulumong kalagayan ng ating agrikultura ay batay sa obserbasyon ng grupo ng mga magsasaka, hindi lamang sa Central Luzon kundi maaaring sa iba’t ibang panig ng bansa.
Dahil sa hindi inaasahang pagbaba ng rice production, natitiyak ko na malaki rin ang kabawasan ng imbak na bigas hindi lamang sa mismong bodega ng magbubukid; malaki rin ang ibababa ng rice stock sa National Food Authority (NFA).
Bunga nito, hindi maiiwasang umangkat tayo ng bigas upang mapunan ang ating pangangailangan. Ang mababang imbentaryo ng bigas, tulad ng pinangangambahan ng ilang kooperatiba ay maaaring magpataas din sa presyo ng bigas; at lalong makapagpapabigat sa problema ng mga magsasaka na umaasa lamang sa mababang halaga ng bigas na ipinagbibili ng NFA.
Gayunman, marapat ang ibayong pag-iingat sa pag-angkat ng bigas. Hindi maiiwasan na ang rice importation ay pagpistahan naman ng mapagsamantalang mga negosyante na bahagi ng rice cartel; ang ganitong mapanlamang na sistema ng paghahanapbuhay ng tinatawag na mga buwitre ng lipunan o vulture of society ay natitiyak kong hindi kukunsintihin ng administrasyon.
Hindi maaaring maliitin ang pag-ayuda ng gobyerno sa ating mga magsasaka. Sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), at ng iba pang ahensiya, walang humpay ang kanilang pag-agapay sa pangangailangan ng mga magbubukid;
nagkakaloob ng pautang at iba pang agricultural implements; na lubhang kailangan sa pagpapalaki ng produksiyon tungo sa pagkakaroon ng rice sufficiency. Nais tularan ng administrasyon ang pagiging rice exporting country ng Pilipinas, tulad ng nagawa nga noong panahon ng diktadurya.
Hindi marahil kalabisang ipaalala sa Duterte administration ang ‘tila nalilimutang programa hinggil sa libreng patubig. Matagal nang inaasam ng mga magsasaka ang katuparan ng naturang pangako.
Hanggang ngayon, marami pang bukirin ang pinagdadamutan ng tubig ng ilang namamahala sa National Irrigation Administration (NIA). Sa ilang palayan sa Barangay Balungkarin, Zaragoza, Nueva Ecija, halimbawa, natitigang na ang mga bukirin dahil sa kakapusan sa tubig. Dahil dito, halos matuyo ang mga palay at hindi nakukuhang mamunga. Magiging dahilan ito ng malaking pagbaba ng ani.
Isa lamang ito sa malaking balakid sa pagtatamo natin ng rice self-sufficiency na magiging kabiguan ng administrasyon.