cojunagco copy

Ni ANNIE ABAD

Cojuangco, napikon sa POC general assembly meeting.

NAUDLOT at hindi na natuloy ang general assembly meeting ng Philippine Olympic Committee kahapon nang tangihan ni POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco na pag-usapan ang re-election na ipinag-uutos ng Pasig court at dagliang iniwan ang plenary kahapon sa WackWack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“This meeting is adjourned,” pahayag ni Cojuangco at kaagad na nilisan ang plenary.

Naiwan sa plenary ang mga lulugo-lugong mga opisyal at kinatawan ng lahat ng miyembrong National Sports Association (NSA) kabilang na ang karibal niya sa presidency na si boxing chief Ricky Vargas.

Iginiit nina Vargas, pangulo ng Alliance of Boxing Association of the Philippines (ABAP) President Ricky Vargas at Executive Director Ed Picson na pag-usapan sa assembly ang kautusan ng Pasig Regional Trial Court para sa re-election na itinakda sa Pebrero 23.

Wala nang balakid para rito matapos na ibasura ng Court of Appeal kamakalawa ang hiniling na Temporary Restraining Order ng Philippine Olympic Committee (POC) upang maharang ang naturang kautusan ng RTC.

Ayon sa grupo nina Vargas, tama lang na pag-usapan sa nasabing pagpupulong ang isyu tungkol sa eleksyon, gayung hawak umano nila ang kopya ng desisyon ng Court of Appeals.

“Ang hinihiling lang naming ay mag eleksyon. May decision na ang korte eh. Let’s settle this once and for all. Kaso nag walk out e. Bawal daw pag usapan,” pahayag ni Vargas.

Ayon sa grupo ni Cojuangco, wala pang natatanggap na kopya ang POC hingil sa desisyon ng CA kung kaya hindi pa nila maaring pag-usapan dito ang naturang isyu.

Ngunit, hindi ito kinayang tanggapin ni Vargas at ipinilit na bigyan ng atensyon ang isyu. Hindi na ito natuloy nang lisanin ni Cojuangco ang pagpupulong.

Nauna rito, kinuwestyon agad ni Picson ang pamumuno ni POC Deputy Sec-general Simeon Garcia sa pagpupulong, gayung si Steve Hontiveros ang siyang may karapatan. Ngunit, ipinaliwanag naman ni Cojuangco na hindi makararating si Hontiveros gayung pumanaw ang ina nito.

Ayon kay Picson, sa kabila ng ‘walk out’ ni Cojuangco, handa na sila kasama ang mga tagasuporta para sa itinakdang halalan.