Ni Celo Lagmay
MARAMI na rin akong nadaluhang pagdinig sa Kongreso subalit kamakalawa lamang ako binulaga ng naiibang eksena: Ang halos lahat ng resource persons ay mga kapatid natin sa pamamahayag. Bagamat ang ilan sa kanila ay naglilingkod na ngayon sa Duterte administration, ang karamihan ay katulad pa rin nating bahagi ng mga pribadong media outfit.
Ngunit isang bagay ang tiyak: Tayong lahat ay kabilang sa tinatawag na Fourth Estate. Kahit na tayo ay nasa larangan ng peryodismo, radyo, telebisyon, blogger, social media, twitter at iba pa, ang ating msiyon ay nakatuon sa paghahanap ng katotohanan at makabuluhang mga impormasyon na dapat malaman ng sambayanan. Tayo ang epektibong tulay ng makatuturang mga balita na pinadadaloy, wika nga, sa iba’t ibang media outfit.
Dangan nga lamang at ang ating misyon, kung minsan, ay nalalahiran ng mga maling balita o fake news na sinasabing nagmumula sa pribadong sektor at sa mismong mga tanggapan ng pamahalaan; o sa iba’t ibang grupo ng private at government media.
Ang masalimuot na isyung ito ang binusisi ng Senate committee on information; kailangang ugatin ang pinanggagalingan at may kagagawan ng mga pekeng balita. Nais ng mga Senador na magkaroon ng batayan sa pagbalangkas ng mga panukalang-batas upang masugpo ang paglaganap ng naturang mga fake news; mga maling balita na naglalayong iligaw ang paniniwala ng sambayanan sa mga tunay na nangyayari sa ating bansa; mga balita na naglalayong yurakan ang dangal ng ilang sektor na taumbayan at ng mismong mga miyembro ng media.
Sa kasagsagan ng Senate public hearing, nalantad ang mga sapantaha na ang ilang fake news ay sinasabing nagmumula sa tanggapan ni Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo; mga bintang na kagyat namang itinanggi ng kani-kanilang mga kaalyado.
Dahil dito, nahiwatigan na lubhang kailangan ang batas laban sa fake news. Hindi na ito kailangan, lalo na kung iisipin na marami na tayong mahihigpit na regulasyon tungo sa responsableng pamamahayag. Batid ng ating mga kapatid sa media ang pagtalima at pagpapahalaga sa tunay na diwa ng Journalists’ Code of Ethics. Naririyan na rin ang Freedom of Information na umiiral sa pamamagitan ng isang Executive Order.
Isa pa, kung may nasagasaan man tayo sa pagtupad ng ating misyon – kung ito man ay bunga ng maling pagbabalita – malaya naman ang sinuman na tayo ay ihabla ng kasong libelo.
Sa kabila ng lahat ng ito, natitiyak na laging sinisikap ng ating mga kapatid sa media na maging responsableng mamamahayag at nagpapahalaga sa press freedom.