Ni Mary Ann Santiago

Isang walong taong gulang na babae ang kumpirmadong nasawi dahil sa meningococcemia, sa Paco, Manila.

Ayon sa Manila Health Department (MHD), Biyernes nang magkasakit ang bata, na kaagad na isinugod sa isang pribadong pagamutan ngunit nasawi rin kinabukasan.

Nag-aaral ang biktima sa Paco Catholic School kaya kaagad na nagtungo ang mga opisyal ng MHD sa naturang eskwelahan at binigyan ng antibiotics ang mga kaklase ng biktima.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Kinausap din ng mga opisyal ang mga magulang ng mga estudyante at binigyan ng sapat na impormasyon hinggil sa naturang sakit, upang mapawi ang pangamba ng mga ito.

Ayon kay MHD Chief Dr. Benjamin Yson, walang dapat ikabahala ang mga magulang ng mga estudyante sa naturang paaralan, lalo na ang mga kaklase ng biktima, dahil ligtas ang mga ito mula sa sakit, at maaaring ipagpatuloy ang mga klase.

“Wala pa po kaming nakikita na ‘yun pong, isa pong nagkaro’n ng meningococcemia ang kanyang kapatid o ang kanyang kalaro ay nagkaroon din ng meningococcemia, pero very limited po ang transmission,” paliwanag ni Yson sa isang panayam sa telebisyon.

Paglilinaw pa ni Yson, bagamat nakahahawa ang sakit, hindi ito madaling maipasa sa ibang tao at mangyayari lamang kung matagal ang contact ng isang tao sa pasyente.

Hindi rin, aniya, airborne ang sakit at kung titigil ang bacteria sa kapaligiran ay madali itong mamamatay, lalo na kung magdi-disinfect.

Kabilang sa sintomas ng meningococcemia ang mataas at tuluy-tuloy na lagnat, pananakit ng ulo, paninigas ng leeg, pagkahilo, pagiging antukin, pagkukumbulsiyon, pagsusuka, unstable na vital signs, pag-ubo at rashes sa katawan.