SAKALING maipagpaliban o mabigo ang planong baguhin ang Konstitusyon ng Pilipinas, o muli na namang mabigo ang Kongreso na pagtibayin ang Bangsamoro Basic Law (BBL), nagkasa na ng plano si Pangulong Duterte para magtatag ng teritoryong Bangsamoro sa pamamagitan ng isang executive order.
Matagal nang binabanggit ng Pangulo ang tungkol sa “historical injustice” sa mamamayang Moro sa Mindanao at determinadong iwasto ito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng higit na awtonomiya, mas maraming bahagi sa pondo, at mas malayang pagpapasya sa mga usapin sa rehiyon—higit pa sa kasalukuyang tinatamasa ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Para sa hangaring ito, ilang taon nang nakikipagbakbakan ang mga organisasyong Moro na gaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa puwersa ng gobyerno, hanggang sa makipagkasundo ang mga nasabing grupo sa nakalipas na administrasyon para sa Bangsamoro Autonomous Region. Binuo ang Bangsamoro Basic Law (BBL) ay matagal nang naghihintay na pagtibayin ng Kongreso, subalit kinapos na sa panahon hanggang sa nagsara ang 16th Congress, kasabay ng pagtatapos ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, at tuluyan nang hindi naaksiyiunan ang BBL.
Pinaniniwalaang ang higit na awtonomiya para sa mamamayang Moro ang nasa sentro ng mga pagsisikap ni Pangulong Duterte upang maamyendahan ang Konstitusyon. Kasabay nito, muling isinumite sa Kongreso ang panukalang BBL Act. At sakaling mabigong muli ang mga pagpupursigeng ito, magpapalabas ang Pangulo ng Executive Order (EO) na nagtatakda sa teritoryong malayang pangangasiwaan ng Bangsamoro.
Binuo ni dating Pangulong Corazon C. Aquino ang Cordillera Administrative Region (CAR) sa bisa ng Executive Order 220 noong 1987, ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, at magsisilbi itong pamantayan sa EO ni Pangulong Duterte para sa teritoryong Bangsamoro. Nakipag-usap noong nakaraang linggo ang Pangulo sa mga pinuno ng MILF na sina Al Hadj Murad, Ghadzali Jaafar, at Mohagher Iqbal sa Davao City tungkol sa nasabing usapin.
Umaasa pa rin ang administrasyon na pagtitibayin ng Kongreso ang BBL Law at, kalaunan, ang panukalang Constituent Assembly na magtatakda sa rehiyon o estadong Bangsamoro bilang bahagi ng federal na sistema ng pamahalaan. Subalit sakaling mangyari na mabalam ito, maisasakatuparan pa rin ng Pangulo ang matagal na niyang hangarin na maiwasto ang makasaysayang kawalang hustisya ng mga Moro sa pamamagitan ng isang executive order na magtatatag ng isang autonomous Bangsamoro region.