ANG Pista ng Traslacion ng Poong Nazareno ang una sa maraming kapistahan sa iba’t ibang panig ng bansa, karamihan ay may relihiyosong pinag-ugatan subalit ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga tradisyon at paniniwala mula sa lokal na kultura ng mamamayan.

Nagdaraos ng mga misa, una ay sa Quirino Grandstand sa Maynila, at sa pagtatapos ng prusisyon, may misa rin sa Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo. Sa pagitan nito ay ang 22-oras na Traslacion na daan-daang libong deboto ang nagpursigeng mahaplos ang andas ng imahen o kahit ang lubid na humihila rito sa paniniwalang sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng katuparan ang kanilang mga kahilingan.

Sa buong taon, nakalagak ang imahen ng Poong Nazareno sa altar ng Quiapo Church. Subalit may dalawang araw sa isang taon — ang kapistahan ng Traslacion nito tuwing Enero 9 at Biyernes Santo tuwing Semana Santa — na nasasaksihan ng bansa ang dagat ng mga nakayapak na deboto na nakikibahagi sa prusisyon. Karamihan sa kanila ay ginagawa ito bilang panata. Maraming deboto ang naninindigang napagaling ng imahen ang kanilang mga karamdaman, kung hindi man nabigyang katuparan ang kanilang mga kahilingan.

Ilan pang malalaking kapistahan ang nakatakdang idaos ngayong buwan sa iba’t ibang dako ng bansa. Sa Enero 16-22, idaraos ang Ati-atihan bilang pagbibigay-pugay sa Sto. Niño sa Kalibo, Aklan, at ang mga debotong makikibahagi sa tradisyon ay napipintahan ng itim ang balat, gaya ng hitsura ng mga orihinal na katutubo na sumalubong sa imahen, habang umiindak sa lansangan.

Sto. Niño rin ang patron ng Cebu at ilan pang bayan at siyudad sa Pilipinas. Ang Sinulog Festival sa Cebu tuwing ikatlong Linggo ng Enero ay isa sa pinakamalalaking kapistahan sa bansa. Ang Tondo, ang pinakamataong disrito ng Maynila, ay nagbibigay-pugay sa Sto. Niño ngayong araw. Sa ikaapat na Linggo ng buwan, pagkakataon naman ng Iloilo City upang magdaos ng Dinagyang Festival, na isa ring pagpaparangal sa Banal na Anak.

Maraming kapistahan sa bansa, ang bawat isa ay nagbibigay-pugay sa lokal na santo o kaya naman ay nagdiriwang ng isang makasaysayang okasyon, ng pinakanatatanging produkto, o ng taunang aktibidad ng komunidad. Kabilang sa pinakamalalaking pagtitipon ang Panagbenga flower festival sa Baguio City, ang Caracol Festival ng Makati City, ang Pahiyas Festival ng Lucban, Quezon, at ang Moriones Festival ng Marinduque. Nariyan din ang pagpapapako sa krus sa Pampanga at Bulacan tuwing Biyernes Santo, at ang pilgrimage para sa Birhen ng Manaoag sa Pangasinan.

Sagana sa isla ang ating bansa, gayundin ang ating kasaysayan kaya napakarami nating ipinagdiriwang. Ang katatapos na Traslacion ng Poong Nazareno noong nakaraang linggo ang una ngayong taon—isang natatanging pagsasama-sama ng pananampalataya, kultura, mga hangarin, at mga katangiang katangi-tangi. Kung pagsasama-samahin, ang mga selebrasyong ito ang bubuo sa atin bilang isang bansa.