Ni Beth Camia at Bella Gamotea
Magbibigay ang pamahalaan ng P200 “unconditional cash grants” sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa bawat buwan upang maibsan ang magiging epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ng pamahalaan.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang P200 buwanang subsidiya ay sagot ng pamahalaan sa mga kritiko na nagsasabing “anti-poor” ang bago at kontrobersiyal na batas.
Makatutulong, aniya, sa 50 porsiyento ng pinakamahihirap na pamilya ang hakbanging ito ng gobyerno, na inaasahang maaapektuhan ng bagong tax package.
Iginiit din ng kalihim na ang pangmatagalang epekto ng TRAIN Law ay magpapababa sa mga presyo ng bilihin na magreresulta sa mas maayos na produksiyon, magandang imprastruktura, at mababang presyo ng pasahe.
Naglaan ang gobyerno ng P24.5-bilyon unconditional cash grants, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at inaasahang madadagdagan ito ng P200-P300 sa 2019 at 2022.
Samantala, nagpakalat ang Department of Energy (DOE) ng mga team inspector mula sa Oil Industry Management Bureau (OIMB) nito upang magsagawa ng random inspection sa mga gasolinahan at oil depot para sa wastong implementasyon ng excise tax sa langis.
Ayon sa DOE, beberipikahin ng team inspectors kung ang excise tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN) Law ay aktuwal na nai-apply sa mga imbentaryo na hindi lalagpas nitong Disyembre 31, 2017.
Muli namang nagbabala si DOE Secretary Alfonso Cusi laban sa anumang paglabag sa TRAIN Law.
“Violators may be administratively subjected to the cancellation of their Certificates of Compliance (COC),” ani Cusi, at sinabing maaaring sampahan ng kasong kriminal, gaya ng estafa at profiteering sa paglabag sa Oil Deregulation Law, at paglabag sa Revised Penal Code ang mga magpapasaway.