Ni Genalyn D. Kabiling
Hindi lang ang China ang naghahangad maging third giant player sa local telecommunications industry.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na maging ang Philippine Telegraph & Telephone Corp (PT&T) at ang South Korean partner nito ay interesado rin na makiisa sa telco sector sa bansa.
Ito ang ibinalita ni acting Secretary Eliseo Rio, Jr., ng Department of Information and Communications Technologys, kay Pangulong Duterte sa Cabinet meeting sa Malacañang nitong Lunes.
“Nabanggit nga ng DICT Acting Secretary Rio na dalawa ang so far interested na maging third player sa telecommunications industry. Una, iyong China Telecom, plus iyong consortium na hindi pa ho nababanggit; at pangalawa pong nasa listahan ay iyong grupong PT&T ay iyong kanilang partner na Korean telecom company,” sinabi ni Andanar sa panayam sa radyo nitong Martes.
Una nang inimbitahan ng Pangulo ang China na maging third telco player upang pagyamanin ang kumpetisyon na kasalukuyang pinangungunahan ng dalawang higanteng kumpanya. Iniulat na pinili ng Beijing ang China Telecom upang bumuo ng telecom provider sa Pilipinas.
Inutusan na ni Duterte ang concerned agencies na agad aprubahan ang mga aplikasyon at lisensiya upang masimulan ng third telco player ang operasyon sa unang bahagi ng 2018.
Sinabi kamakailan ng Palasyo na bukas ang gobyerno sa paglahok ng ibang kumpanya sa local telco industry kapag umatras ang China plinanong negosyo. Kinakailangan pa ring sumunod ng China constitutional provision ng bansa na naglilimita sa foreign ownership ng isang telecom firm sa 40 porsiyento.
Sa ngayon, sinabi ni Andanar na umaasa ang gobyerno na magsisimula ang operasyon ng third telco player sa mga susunod na buwan.”Talagang inaapura po iyan ng DICT para maging competitive po ang ating telecoms industry,” aniya.
Sa desisyon ng Pangulo na buksan ang telco industry sa ibang players, sinabi ni Andanar na isinantabi ng PLDT Inc at ng Globe Telecom Inc. ang malaking halaga upang mas mapaunlad ang kanilang serbisyo.
“We can really see that even just the announcement itself ay nahikayat po iyong dalawang telco giants na ito na mag-invest ng pera para pagandahin pa iyong kanilang serbisyo so, that in itself is already victory for the Filipino people,” sambit ni Andanar.