Ni MARY ANN SANTIAGO
Umabot sa mahigit 1,000 deboto ang nasaktan, nasugatan, nahilo at dumanas ng iba’t ibang problema, gaya ng alta-presyon, sa pagdaraos ng Traslacion 2018 kahapon.
Ayon kay Atty. Oscar Palabyab, secretary general ng Philippine Red Cross (PRC), dakong 11:35 ng tanghali pa lang ay umaabot na sa 621 ang mga nabigyan ng first aid matapos na dumanas ng iba’t ibang disgrasya.
Kasabay nito, mahigit 300 deboto naman ang nirespondehan ng 14 na medical team na ipinakalat ng Department of Health (DoH) kahapon.
Batay sa datos hanggang 2:00 ng hapon, nasa 301 na ang nabigyan ng gamutan ng DoH medical teams, kabilang ang 127 nagtamo ng sugat, nahiwa, natusok o may soft tissue injuries.
Nasa Code White Alert hanggang bukas, una nang nanawagan ang DoH sa mga sasali sa Traslacion na kaagad na magpasaklolo sa mga medical team ng DoH sakaling sumama ang pakiramdam o masugatan.
Samantala, sa datos ng PRC pasado 4:00 ng hapon ay nasa 726 na deboto na ang natulungan nila.
Sinabi ni Palabyab na sa nasabing bilang ay may tatlong napilayan, may mga nahirapang huminga, may nalaglag sa steel railing nang maitulak ng kapwa deboto, may nawalan ng malay at kinailangang isugod sa pagamutan, may mga nawawala, may nabukulan, may tumaas ang blood pressure, may sumakit ang tiyan, katawan at ngipin, mayroong nilagnat, may nakaapak ng basag na bote, at iba pa.
Mayroon ding mga binigyan ng psychosocial support ng PRC.
Ayon sa PRC, umaabot sa 2,000 volunteers, 58 ambulansiya, siyam na first aid stations at walong rescue truck ang ipinakalat nila sa iba’t ibang lugar na dinaanan ng Traslacion.
Sinabi naman ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) na karamihan sa mga nasugatan ay hindi na nanghingi ng tulong dahil bahagyang sugat at lintos sa paa lang ang reklamo ng mga ito.
62-ANYOS NA-STROKE
Sa panig ni Manila Health Department (MHD) Emergency Management Chief Dr. Virgilio Martin III, sinabi niyang pangunahin pa ring naging problema ng mga deboto ang alta-presyon.
Aniya, sa tala ng MHD ay Pahalik pa lang nitong Lunes ay mayroon ng 150 deboto ang tumaas ng blood pressure, karamihan ay matatanda at mga may sakit na pumila nang matagal, nabilad sa araw, nagutom, at hindi nakaihi.
Nakapagtala rin, aniya, ang Ospital ng Maynila ng limang seryosong kaso, kabilang na ang isang 62-anyos na ginang na biktima ng cerebral vascular accident at dati nang na-stroke.
“Na-stroke na siya dati, pero unfortunately pumila siya (sa Pahalik). Wala pang kasama, nag-iisa. ‘Di siya makaalis sa pila, ‘di rin kumain at ‘di nakadala ng gamot kaya hinimatay. We had to bring her to the hospital. The sad part another stroke ang nangyari, so lumala ang kondisyon niya,” ani Martin.
AABOT SA MILYON
Batay sa crowd estimate ng MPD pasado 4:00 ng hapon ay nasa 530,000 ang sumama sa Traslacion, bukod pa sa mga nag-aabang sa mga kalsada, na aabot din sa libu-libo, habang tinaya naman sa 650,000 ang nag-aabang sa Nazareno sa Quiapo Church, samantalang patuloy ang pagdating ng mga sasalubong sa pagbabalik ng imahen sa simbahan.
PINAKAMAAYOS NA TRASLACION
Samantala, sinabi ni Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na ang Traslacion kahapon na marahil ang pinakamaayos na nasaksihan niya, partikular sa simula pa lang sa pag-usad ng prusisyon kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Badong, matapos ang morning prayer ng 4:45 ng umaga ay isinakay na ang imahen sa andas, at ganap na 5:00 ng umaga ay umusad na ang prusisyon.
“This year kakaiba, eh. Iba kasi sa usual na nakikita natin. Dati magulo ‘yung stage, ngayon tahimik. Syempre sa tulong ng mga servicemen natin. Salamat sa Diyos na nandyan sila,” sinabi ni Badong sa mga mamamahayag.
“Hindi dumumog ‘yung mga tao, talagang hinintay nila at least makaporma lang ‘yung andas.
“Actually ‘yun talaga ang objective namin, ‘yung mailagay sa parade ground (ang andas) tapos okay na. Compared last year kasi nagpabalik-balik kami rito, atras-abante. Pero ngayon, dito pa lang smooth. ‘Yung mga tao hindi sumugod, walang tao sa ibabaw ng stage habang ibinababa ‘yung andas,” sabi pa ni Badong.
May ulat nina Charina Clarisse L. Echaluce at Bella Gamotea