Ni REGGEE BONOAN
“IT’S about time you produce, I will guide you. Hindi tayo puwedeng magsosyo baka mag-away tayo. You know what you’re doing, you’re a smart girl and you have a good heart.”
Ito ang sabi ni Mother Lily Monteverde kay Sylvia Sanchez habang nagpapaalam ang aktres pagkatapos ng grand presscon ng Mama’s Girl na opening salvo ng Regal Entertainment ngayong 2018 mula sa direksiyon ni Connie S. Macatuno.
Sa Regal Films nagsimula si Sylvia noong sabi nga niya ay 19 inches pa lang ang beywang niya. Gumawa siya ng maraming pelikula sa Regal na pawang supporting ang roles.
Kahit maliliit lang ang mga naging papel noon ni Ibyang, hindi siya nawalan ng pag-asa. Iyon ang naging stepping stones niya para magpursige nang husto hanggang sa marating na niya ang kinalalagyan ngayon.
Kilalang-kilala ng Regal matriarch si Sylvia dahil nasubaybayan nito ang karera niya sa loob ng 27 years.
“Mabait talaga siya, I can feel it,” sabi ni Mother Lily. “Kapag pumupunta ako sa bahay nila, she will serve us food, ang dami-dami and mabait ang mga anak niya, very respectful.”
Ang nakaka-touch na parte, nang yakapin nang mahigpit ni Ibyang ang maraming posters ng Mama’s Girl na ibinigay ng staff ni Mother Lilly sabay sabing, “Sa wakas, nagkaroon na rin ako ng poster na may pangalan ako at mukha ko.
Imagine sa 27 years ko sa showbiz ngayon lang ako nagkaroon (bukod sa indie movie na ‘Nay). Ipa-frame ko talaga ito.”
Hindi iyakin sa personal si Sylvia pero namula ang mga mata niya nang magbalik-tanaw siya sa lahat ng mga pinagdaanan niya lalo na kapag dumadalo siya ng presscon na nasa isang tabi lang siya at hindi natatanong.
“Minsan natanong ‘pag general question, kung ano ang role ko, ganu’n. Kaya ngayon, ang saya-saya ko kasi maraming nag-iinterbyu sa akin,” kuwento ng aktres.
Si Sylvia ang last man standing sa presscon ng Mama’s Girl at kahit ilang oras nang nakauwi ang mga kasama sa pelikula na sina Sofia Andres, Karen Reyes, Yana Asistio, Allora Sasam, Diego Loyzaga, Jameson Blake ay may nag-iinterbyu pa rin.
Marami ring ginulat si Ibyang sa suot niya sa presscon na masyadong revealing na hindi naman niya dating ginagawa.
“Eh, sabi kasi magsuot daw ako ng iba, pangmayaman kasi may kaya ang role ko sa Mama’s Girl, so ito, masagwa ba?”
balik-tanong ni Ibyang sa mga bumati sa suot niya.
Nagulat kasi ang lahat na mas seksi pa ang suot niya kumpara sa mga dalagang co-stars niya na lahat ay nakabalot.
Samantala, natatawang ikinuwento ni Sylvia sa Q and A ang nagawa niyang kapalpakan kay Sofia, gumaganap na anak niya sa Mama’s Girl.
“Nauna kasi ang pictorial namin so hindi ko pa ganu’n kakilala si Sofia Andres, mahina kasi ako sa mukha. Eh, siya nanginginig kasi naririnig niya na masungit daw ako, sabi ko, mabait ako pero kung impakta ka, mas impakta ako sa ‘yo.
“’Tapos nabanggit niya na kamukha raw niya ang anak kong si Ria (Atayde), sabi ko naman, ‘oo kamukha mo at saka ‘yung Sofia Andres, kilala mo ba ‘yun?’ Hindi naman siya nagsabing siya pala ‘yun, sabi lang niya, simple girl daw si Sofia. ‘Tapos pagdating ko ng bahay, doon ko lang naalala na siya pala ‘yun. Nasabi ko tuloy sa anak kong si Ria na may nagawa akong katangahan.
“Kaya tawang-tawa ako sa sarili ko, ngayon part na siya ng Atayde family at naisama ko na siya sa Cebu sa bahay namin doon kasama ang buong pamilya ko,” kuwento ng aktres.
Ano ba ang matututunan ng kabataan sa Mama’s Girl?
“Relasyon ng mag-ina na sobrang pagmamahal ang ibinibigay ng ina o ni Mama Mina (character niya) na hindi masyadong pinapansin ng anak ko, si Abby o Sofia dahil nga millennial so iba ang paniniwala. Pero sa huli malalaman niya ang lahat ng sakripisyo ng inang hindi niya pinapansin. Sa bandang huli saka na lang maiintindihan lahat ni Abby ang sakripisyo ng nanay niya.
“Kaya sa mga anak, mahalin ninyo ang magulang ninyo dahil nag-iisa lang ‘yan kaya habang buhay pa sila, ipakita ninyo na ina-appreciate ninyo lahat ng paghihirap nila. Magiging magulang din kayo pagdating ng araw at gagawin din ninyo sa magiging anak ninyo ang ginawa sa inyo ng magulang ninyo kung paano kayo inalagaan, minahal ng sobra-sobra at dito ninyo sila maaalala,”pahayag ng aktres.
Para sa mga millennial na pasaway sa magulang ang Mama’s Girl, showing na sa Enero 17. Siyanga pala, magdala kayo ng bimpo o tuwalya dahil tiyak na iiyak kayo to the max.