ni Celo Lagmay
SA pagsilang ng bagong pag-asa na ipinangangalandakan ng Duterte administration, hindi dapat makaligtaan ang kapakanan ng ating mga kapatid, lalo na ang tinatawag na marginalized sector o dehadong mga mamamayan na malaon nang nakalugmok sa kawalan ng pag-asa sa buhay. At lalong hindi dapat malimutan ang mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs) na laging umaasam ng pagkakataon upang patunayan ang kanilang mga kakayahan at katapatan sa paglikha ng isang maunlad na pamumuhay at marangal na pamamahala.
Totoo na ang nakaraan at kasalukuyang administrasyon ay may naibunsod nang mga programa laban sa karukhaan o poverty alleviation program. Kabilang dito ang 4Ps (Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Nagkakaloob ito ng karampot na halaga na mistulang limos sa mga maralitang pamilya para sa kanilang mga pangangailangan.
Ang naturang programa ay nagiging tampulan naman ng mga pagtuligsa sa paniwala na ito ay nagsusulong ng kultura ng pamamalimos o culture of mendicancy. At malimit ikapit ang kawikaan na ang naturang grupo ng sambayanan ay hindi dapat laging pinakakain ng isda, kundi turuan silang mangisda. Naniniwala ako na ang grupong ito ng sambayanan ay may naitatagong kakayahan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran para sa kanilang maaliwalas na kinabukasan.
Ang PWDs, halimbawa, ay natitiyak kong nag-aangkin ng tiyaga, talino at matapat na katangian sa pagtupad ng makatuturang gawain sa gobyerno at maging sa pribadong sektor. Napatunayan na ito sa maraming pagkakataon ng ating mga kababayang kinilala sa ating bansa at sa buong daigdig dahil sa kanilang kahanga-hanga at pambihirang mga kakayahan. Isa lamang si Gat. Apolinario Mabini, ang tinaguriang Dakilang Lumpo o Sublime Paralytic na natatangi sa kabila ng kanyang kapansanan.
Madalas nating nakakahalubilo ang mga abugado, doktor, siyentista at iba pa na may mga kapansanan ngunit huwaran at dalubhasa sa kanilang mga propesyon. Hindi ko na tutukuyin ang kanyang pangalan subalit isa sa aking mga doktor ay biktima ng pagkalumpo o polio victim ngunit hanggang ngayon ay dinudumog ng mga pasyente. Malilimutan ba natin ang isang kapatid sa propesyon – si Rommel San Pascual, ang nag-iisang bulag na broadcaster sa bansa. Naglilingkod
siya ngayon sa istasyon ng radyo ng Department of National Defense (DND).
Sa harap ng ganitong sitwasyon, napapanahon ang pagsasabatas ng bill na mag-uutos sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong kumpanya ng dalawa at kalahating porsiyento ng kanilang mga tauhan para sa PWDs. Ang naturang panukala na nagkataon na isinusulong ni Sen. Bam Aquino, ay maliwanag na kumikilala sa kakayahan ng mga may kapansanan sa pagganap ng makabuluhang mga tungkulin dahil sa kanilang angking talino at matapat na katangian.