ni Bert de Guzman
KAHAPON, Disyembre 30, ang ika-121 taong kamatayan ni Dr. Jose Rizal na tinaguriang “Pride of the Malayan Race.” Naniniwala siyang ang “Kabataan ang Pag-asa ng Bayan.” Totoo bang ang kabataan ang pag-asa ng Pilipinas na dinadaluyong ngayon ng drug addiction, kurapsiyon, kriminalidad at patayan?
Bukas naman ang Bagong Taon, Bagong Silang na 2018, puno ng pag-asa, malusog na taon na wala pang bahid ng kontrobersiya o alingasngas. Sana ay umusbong ang tunay na kapayapaan, pagkakasundo, kasaganaan sa 2018 at maiwasan ang mga patayan na naging tatak ng 2017 bunsod ng madugong giyera sa illegal drugs ni Pres. Rodrigo Roa Duterte.
Talagang determinado ang oposisyon, sa pangunguna ng Uragong Kongresista ng Albay na si Rep. Edcel Lagman, na tutulan ang extension ng martial law sa Mindanao hanggang Disyembre, 2018. Wala naman umanong aktuwal na rebelyon at pananakop sa rehiyon, eh bakit palalawigin ang ML?
Nagtungo sila sa Supreme Court at hiniling na balewalain o ipatigil ang batas-militar pati na ang suspensiyon ng writ of habeas corpus. Sa pamamagitan ng writ of habeas corpus, pinapayagan ang gobyernong Duterte na magsagawa ng tinatawag na “warrantless arrest”. Puwedeng arestuhin ang isang tao kahit walang mandamyento de arresto.
Kasama ni Lagman, na kung tagurian ay “Magnificent Seven” ng Kamara, sina Reps. Edgar Erice, Teddy Baguilat, Emmanuel Billones, Gary Alejano, at Tom Villarin. Nagpetisyon sila sa SC at nananawagan na ibasura ang pagpapalawig sa ML at suspensiyon ng privilege of writ of habeas corpus. Gayunman, marami ang naniniwalang tama lang na palawigin ang ML sa Mindanao bunsod ng patuloy na banta ng Maute Group-ISIS, Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at iba pang pangkating kriminal.
Mag-ingat kay “DIGONG”. Mula sa Malolos City (Bulacan), may balitang nagpapaligsahan ang firecracker makers na gumawa o maglunsad ng mas malakas at nakatutulig na paputok bilang selebrasyon ng Bagong Taon. Isa sa ginagawa o iniimbento ng mga manggagawa o manufacturer ng paputok ay tinagurian nilang “Digong”. Marahil ito ay bunsod ng madugong drug war ni PRRD at sa taglay niyang pusong-bakal at aserong-kamay.
Sinabi ni Celso Cruz, president emeritus ng Philippine Pyrotechnic Manufacturers and Dealers Association Inc. (PPMDAI), ang paggawa ng malalakas na paputok na ipinapangalan sa mga prominenteng tao “could add more problems to the industry that is now in peril.” Naging matumal daw ang industriya ng paputok kasunod ng pag-iisyu ng Executive Order No. 28, na nagbabawal magpaputok kahit saan. Puwede lang magpaputok sa mga lugar na tutukuyin bilang “community fireworks displays or firecrackers zones (FCZs).
Sana naman ay tumalima ang ating mga kababayan sa kapuri-puring kautusang ito ni PRRD upang maiwasan ang disgrasya, pagkamatay (hindi pagkasawi), pagkaputol ng mga daliri o kamay, pagkabulag, at iba pang pinsala na likha ng mga paputok.
Mapayapa at Masaganang Bagong Taon sa lahat! Dinadasal ko sa Panginoong Jesus na maging tahimik at masagana ang aming buhay ngayong 2018. Sana naman ay mawala na ang mga patayan. Mahalaga ang buhay.